PCOO nakuwestiyon dahil sa malaking bahagi ng budget na napunta sa sahod sa halip na equipment

Imahe mula sa PCOO
  • Kinuwestiyon ng ilang senador ang PCOO dahil sa malaking budget nito na napunta sa pasahod
  • Sa kabila nito, kakarampot lamang umano ang napunta sa pagbili ng equipment
  • Hinimok rin ang PCOO na isantabi muna ang ilan sa kanilang mga programa

Kinuwestiyon ng ilang senador ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil sa malaking bahagi ng budget nito na napunta sa suweldo ng mga empleyado imbes na sa pagbili ng mga bagong kagamitan.

Lumalabas kasi na sa budget ng PCOO ngayong taon na nagkakahalaga ng P1.73-B, halos P1.65-B dito ay napunta sa salaries and maintenance services habang kakarampot lamang na P79.22-M ang nailaan para sa pagbili ng mga broadcast equipment.

PCOO officials 2019 budget hearing| Imahe mula sa Twitter

Dahil dito, nakuwestiyon tuloy ni Senador Richard Gordon ang ahensiya matapos humingi ng karagdagang pondo para sa pagbili ng mga bagong kagamitan ngayong taon.

“Bakit hindi lumalago? Bakit hindi lumalawak? Kailan ba kayo lalakas talaga?” tanong ni Gordon.

Ayon sa mambabatas, napakarami umanong matatataas ang puwesto sa PCOO kaya dapat ay bawasan ito at kunin lamang ang mga taong kailangan talaga.

“Ang dami ninyong undersecretaries. Ang dami ninyong assistant secretaries. Ang dami ninyong general managers… I minimize expenses. I only get the people I really need,” giit ni Gordon.

Base sa ulat ng ABS-CBN News, mayroong 5 undersecretaries, 7 assistant secretaries at 6 na directors ang PCOO habang ang Philippine Broadcasting Service (PBS), Philippine Information Agency (PIA), Bureau of Communications Services (BCS), News and Information Bureau (NIB), Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13), at ang People’s Television Network (PTV) ay may kaniya-kaniya ring directors.

Imahe mula sa PTV News

Samantala, hinimok naman ni Senador Imee Marcos na isantabi muna ng PCOO ang pondo nila para sa ibang programa at proyekto tulad ng pagtatayo ng Government Communications Academy (P52.35-M) at PIA parking area improvement and perimeter fencing (P2.55-M).

Ani Marcos, kailangang pagtuunan muna ng ahensiya ang pagpapalakas sa kanilang broadcasting capabilities lalo pa ngayong may umiiral na pandemiya at ipinatutupad ang online learning.

Inamin naman ni Communications Secretary Martin Andanar na kailangan na talagang i-modernize ang kanilang equipment dahil napag-iiwanan na sila ng private sector lalo na pagdating sa transmitters.

Wala namang binanggit ang kalihim kung may plano ba silang bawasan ang bureaucracy sa loob ng PCOO.

Source :

ABS-CBN News, PNA

Loading…