Pialago nagsorry sa pahayag na ‘drama-serye’, subalit nanindigan sa iba pa niyang sinabi

Screenshot mula sa You Tube
  • Humingi ng paumanhin si MMDA spox Celine Pialago dahil sa kaniyang ‘drama-serye’ na pahayag
  • Subalit pinanindigan naman niya ang tungkol sa mahigpit na seguridad kay Nasino
  • Hindi rin daw totoo na mayroon siyang 70 admins sa kaniyang social media accounts

Humingi na ng paumanhin si MMDA spokesperson at Assistant Secretary Celine Pialago sa naging pahayag niya na ginawa umanong isang ‘drama-serye’ ang paghihinagpis ng aktibistang si Reina Mae Nasino.

Ganunpaman, pinanindigan naman niya ang iba pa niyang binanggit sa kaniyang kontrobersiyal na Facebook post lalo na ang mahigpit na seguridad para kay Nasino habang inihahatid sa huling hantungan ang pumanaw na anak ng huli.

Sa panayam sa TeleRadyo, nilinaw ni Pialago na ang kaniyang pinatutungkulan sa kanyang post ay ang ibang symphatizers ni Nasino na sila umanong nagsamantala sa sitwasyon.

Imahe mula sa Twitter

“What I’m pointing out during that time ay ‘yung mga tao na namamantala dun sa sitwasyon ni Ms. (Reina). Hindi po ito ang paghihinagpis ng isang ina kasi ‘yung iba ho ang tingin eh inaatake ko po ang pagkawala ng anak ni Ms. (Reina),” paliwanag ng MMDA official.

“Drama lang po ito ng mga taong sumasakay, nagka-capitalize sa issue ho ni Ms. (Reina) para manipula ang ibang tao,” dagdag pa nito.

Subalit bilang isang Army reservist, nauunawaan niya raw kung bakit ganun na lang kahigpit ang pagbabantay ng kapulisan sa nakakulong na aktibista.

“Dun naman po sa pamilya, kung mag-aapologize po ako sa salita na drama serye sa paghihinagpis niya bilang isang ina, I’m sorry. But for who you are, kung sino ka, kung bakit ka madaming security that I won’t apologize,” anito.

Imahe mula sa Twitter

Magugunitang binanggit sa Facebook post ni Pialago na dapat ay pag-aralan umano ng mga nakikisimpatiya kay Nasino kung bakit ito nakulong at kilalaning mabuti kung sino ito sa lipunan.

“For the ‘drama serye’ na akala mo tinutuligsa kita bilang isang ina that I am sorry. But for the rest of my post hindi po,” giit pa ng tagapagsalita ng MMDA.

Nilinaw din ni Pialago ang kumalat na balita na mayroon siyang 70 administrators sa kaniyang social media account. Aniya, ang kapatid niya ang siyang nagkomento at dahil dito ay humihingi rin siya ng paumanhin.

Loading…