Pinoy couple nakapag-develop ng board game na ibinebenta na ngayon internationally

Imahe mula sa Facebook page ng Sting-A-Win
  • Naipagbibili na sa ibang bansa ang isang board game na na-develop ng mag-asawang Pinoy
  • Ang Sting-A-Win ay nabibili na sa mga bansang Singapore, Venezuela, Australia at sa UK
  • Ang laro ay pinaghalong “Snake and Ladder” at Exploding Kitten” pero may twist

Gumawa ng board game ang mag-asawang Alexis at Shiela Dela Cuesta para sa unang kaarawan ng kanilang anak na ang pangalan ay Nea Deborah.

Imahe mula sa Facebook page ng Sting-A-Win

“Bee” ang theme ng first birthday ng anak dahil nalaman ng mag-asawa na ang ibig sabihin ng pangalang Deborah sa Hebrew ay bubuyog.

Unang naisip ni Alexis na aliwin ang mga bisita sa pamamagitan ng word games at trivia quiz tungkol sa mga bees, pero hinamon siya ni Shiela na gumawa ng isang laro na mas masaya, creative at unique.

Dahil tagahanga siya ng mga board games na “Snake and Ladder” at Exploding Kittens,” nagpasya si Alexis na pagsamahin ang mga elemento ng dalawang laro para makabuo ng konsepto at disenyo para sa panibagong board game.

Marami ring ambag si Shiela sa development ng laro na tinawag nilang Sting-A-Win. Ang kaibigan nilang graphic artist na si Angeline Brisenio na ninang ni Deborah ang gumawa ng artwork ng board game.

Nag-print ang mag-asawa ng malaking tarpaulin na ginamit na board game ng mga bisita sa party ng anak. Nag-enjoy ang mga bisita lalo na ang mga magulang ng mga bata. Sila ang nanghikayat sa mag-asawa na i-negosyo ang ginawang laro.

Imahe mula sa Facebook page ng Sting-A-Win

May dalawang paraan para manalo ang player sa laro – ang isa ay ang unang makarating sa bee hive at ang isa namang paraan ay ang mauunang makaipon ng 1,000 nectars. At upang gawing mas challenging ang laro, may mga predators na nakakalat sa board – ibon, gagamba at palaka – na naghihintay na silain ang bubuyog.

Ang pamato o Bee Token ay puwedeng mag-landing sa Quiz Bee flower, kung saan may tanong na kailangang masagot nang tama para makausad. Sinigurado ng mag-asawa na ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga bubuyog na ginagamit sa laro ay accurate.

Tampok din sa laro ang ilang Bible verses para maibahagi ang kanilang Christian faith.

Imahe mula sa Facebook page ng Sting-A-Win

Ang Sting-A-Win board game ay naipagbibili na sa ibang bansa gaya ng Singapore, Venezuela, Australia at sa United Kingdom. Mabibili rin ito sa mga bee farms sa bansa.

Kamakailan lang, may pa-raffle contest ang mag-asawa at ang masuwerteng nabunot ay nanalo ng libreng kopya ng Sting-A-Win. Naganap ang raffle draw noong October 20, 2020.

Imahe mula sa Facebook page ng Sting-A-Win
Source :

MSN, Facebook

Loading…