PNP captain na nanakit umano sa lady Grab driver, iniimbestigahan

Screenshot mula sa video ni Floreanne Rivera via Facebook
  • Pinaiimbestigahan ng PNP ang reklamo ng isang lady Grab diver laban sa isang PNP captain
  • Natumba ang Grab diver at nagalusan nang biglang buksan ng opisyal ang pintuan ng kanyang sasakyan
  • Nagsimula ang kanilang pagtatalo dahil nakaharang ang sasakyan ng opisyal sa daraanan ng Grab driver
  • Hindi umano pinapansin ng opisyal ang pagbusina ng Grab driver para makadaan ito

Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang hepe ng Pateros police station na imbestigahan ang isa sa mga tauhan niyang si Captain Ronald Saquilayan na diumano ay nanakit sa isang babaeng Grab driver.

Screenshot mula sa video ni Floranne Rivera via Facebook

“The Chief of Police of Pateros has the discretion to conduct an investigation. I believe that this is already being looked into at the Pateros police station level,” pahayag ni PNP Spokesperson Col. Ysmael Yu.

Ayon sa Facebook post ng Grab driver na si Floranne Rivera, pumick-up siya ng pasahero sa Starbucks sa isang mall sa Taguig ngunit hindi sila makaalis dahil nakaharang ang sasakyan ni Capt. Saquilayan. Binusinahan at inilawan na raw niya ang opisyal ngunit hindi raw siya pinansin.

Nang katukin umano niya ang salamin ng sasakyan ni Capt. Saquilayan ay bigla umano nitong binuksan ang pinto kaya napasubsob siya sa mga halaman na nagresulta sa galos sa kanyang braso. Pagtayo niya ay sinampal umano niya ang opisyal.

Screenshot mula sa video ni Floranne Rivera via Facebook

Sinabi ni Rivera na self-defense ang ginawa niya. Dahil sa pananampal ay dinakip siya ni Saquilayan at pansamantalang pinigil sa loob ng Starbucks bago dinala sa pinakamalapit na presinto kung saan siya sinampahan ng reklamo at ikinulong.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Major General Debold Sinas ay itinanggi ni Capt. Saquilayan na sinaktan niya ang lady Grab driver.

“Kaya allegation ito kontra allegations. Kung mayroon man kuwan e ‘di papatunayan ng pulis namin na wala siyang ginawa na pagsaktan sa babae. So, sabi ko: ‘Magpakita ka ng ebidensya at witnesses na hindi mo sinaktan ‘yung babae,’” anang NCRPO chief.

Imahe mula sa PIO NCRPO

Gayunpaman, titingnan ng PNP ang posibilidad na umabuso si Saquilayan batay sa salaysay ng Grab driver.

“Ang administrative investigation namin is separate doon sa complaint ng babae at saka complaint ng pulis doon sa babae. Ang sa’min lang mag-imbestiga kung mayroong kamalian o pang-aabuso ‘yung pulis namin as based sa social posting ng Grab driver na babae,” ani Sinas.

Samantala, tutulong naman ang Grab Philippines para makapagpiyansa ang kanilang driver-partner.

Loading…