PNP chief sa mahigpit na seguridad kay Nasino: “Ginagawa lang ng pulis ang kanilang trabaho”

Imahe mula sa Facebook
  • Dinepensahan ni PNP chief Cascolan ang mahigpit na seguridad ng mga pulis kay Nasino
  • Ginagawa lang daw ng kaniyang mga tauhan ang kanilang trabaho
  • Nagreklamo kasi ang mga kamag-anak ni Nasino na hindi sila pinalapit sa burol ni Baby River

Iginiit ni PNP chief Camilo Cascolan na ginagawa lamang ng kaniyang mga tauhan ang kanilang trabaho sa libing ng anak ng aktibistang si Reina Mae Nasino.

Magugunitang nabatikos ng ilan ang diumano’y sobrang higpit na seguridad ng kapulisan na nagbantay kay Nasino habang inihahatid sa huling hantungan ang kaniyang anak na si Baby River noong nakaraang Biyernes.

Imahe mula sa Facebook

Ani Cascolan, ang ginawang hakbang ng kaniyang mga tauhan ay ibinatay sa pangangailangan ng sitwasyon.

“Well, situations are different from each other. Alam niyo po ang pulis natin magre-responde lang naman ‘yan depende sa sitwasyon,” paliwanag ng PNP chief sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkuels.

“Gusto po nating mapaigting ang ating ginagawang mga activity para ma-prevent po natin ang kriminalidad. Ginagawa lang po ng pulis ang kanilang trabaho,” depensa pa ni Cascolan.

Ayon naman kay Manila Police District (MPD) spokesperson Police Lt. Col. Carlo Magno Manuel, naging mahigpit ang seguridad kay Nasino dahil nakatanggap umano sila ng impormasyon na planong sumugod ang mga kasamahan ng aktibista sa lamay upang magsagawa ng protesta.

Imahe mula sa Facebook

Hindi raw ito katanggap-tanggap sapagkat ang burol ay dapat tahimik at mapayapa.

Bukod dito, naroon din umano ang kapulisan para siguruhing naipatutupad ang minimum health protocol.

Nagrereklamo kasi ang mga kamag-anak ni Nasino na pinigilan silang makapasok sa burol ni Baby River. Maliban dito, naging mabilis rin umano ang ginawang pagpapatakbo sa karo kaya nahirapan silang habulin ito.

Loading…