
- Nalaga
san ng tauhan ang PNP dahil sa panabong na manok - Nagsagawa ng oper
asyon ang mga tauhan ng San Jose municipal policeprecinct laban satupada - Nahagip ng tari ng manok ang ugat sa hita ni Lt. Christian Bolok nang dakmain niya ang dalawang manok na nagsasabong
Ipinagluluksa ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagyao ng isa sa mga tauhan nito na nagsagawa ng pagsalakay sa isang ilegal na sabong sa San Jose, Northern Samar noong Lunes, ika-26 ng Oktubre.

Pinangunahan ni Lieutenant Christian Bolok, hepe ng presinto sa munisipyo ng San Jose, ang raid sa tupada sa Barangay Mandugang dakong ala-una ng hapon nang maganap ang hindi inaasahang pangyayari.
Tinamaan ng tari ng manok sa kaliwang hita si Lt. Bolok nang tangkain niyang dakmain ang dalawang manok na nagsasabong para kumpiskahin. Nahagip ng tari ang kanyang femoral artery. Agad siyang isinugod sa Northern Samar Provincial Hospital, subalit idineklara siyang DOA.
“I have a heavy heart as we have lost a brother who sacrificed his own life in the name of service. The PNP grieves the untimely death of Lt. Bolok and extends its deepest sympathy to his family and relatives,” payahag ni Northern Samar police provincial director Arnel Apud.
Ang operasyong isinagawa ng team ni Lt. Bolok ay dahil sa impormasyong ibinigay sa kanila ng mga concerned citizens.
Tatlong sabungero ang nadakma sa operasyon. Tatlo pang sabungero ang nakatakas, subalit alam na ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan. Nakumpiska ng raiding team ang pitong panabong na manok, dalawang set ng tari at pusta na nagkakahalaga ng P550.

Nauna nang ipinagbawal ng Northern Samar provincial government ang tupada matapos magpositibo sa COVID-19 ang apat na sabungero.
Muling inulit ni Governor Edwin Ongchuan ang kanyang direktiba sa pulisya na dakpin ang mga nagtutupada anuman ang estado ng mga ito sa buhay.