PNR train patungong Bicol nadiskaril sa Gumaca, Quezon dahil sa matinding pag-ulan

Imahe mula sa Facebook/ Filipinas: Malayang Balita
  • Nadiskaril ang isang tren patungong Bikol sa Gumaca, Quezon nitong Sabado
  • Nagdulot ng abala at matinding trapiko sa lugar ang insidente
  • Mabuti na lamang at natanggal din ang bara sa crossing makalipas ang ilang oras

Nagdulot ng matinding trapiko ang pagkadiskaril ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa bayan ng Gumaca, sa Quezon province nitong Sabado ng umaga.

Matinding abala sa mga motorista ang nangyari sapagkat halos hindi na madaanan ng mga sasakyan ang kalsada sa Barangay Lagyo dahil sa nakahambalang na tren.

Imahe mula sa Facebook/ Filipinas: Malayang Balita

Pinuntahan na umano ng Hondagua Engineering Division ang insidente upang maayos ito.

“Hondagua Engineering Division and Rolling Stock and Maintenance Department personnel immediately proceeded to the derailment site and arrived there at 10:40 a.m. from Hondagua, Quezon,” ayon sa pahayag ng PNR.

Bumibiyahe patungong Bicol ang nabanggit na tren bago ito nadiskaril sa mismong crossing ng kalsada, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Gumaca.

Imahe mula sa Facebook/ Filipinas: Malayang Balita

Ayon sa lokal na pamahalaan, lumambot ang bahagi ng aspaltadong kalsada sanhi na rin ng matinding pag-ulan at pagbaha sa lugar nitong nagdaang araw.

Mayroon nang dumaan na tren sa lugar subalit hindi umano napansin ang diperensiya sa kalsada.

“It could be recalled that the PNR Departmental Train bound for Guinobatan, Albay just passed by the same tracks two days before today and no asphalt on the tracks was noted,” wika pa ng PNR.

Imahe mula sa Facebook/ Filipinas: Malayang Balita

Kaagad namang nagpadala ng mga tao at payloader ang lokal na pamahalaan upang makatulong na maisaayos agad ang nakahambalang na tren. Mayroon ding mga pulis na nagmamando sa trapiko upang bigyang puwang ang mga naabalang motorista.

Mabuti na lamang at natanggal din ang bara sa crossing bandang alas-11:15 nang umaga upang lumuwag ang daraanan ng mga sasakyan, ayon sa mga ulat.

Loading…