PSC may utang pa rin na P387-M sa mga suppliers ng 2019 SEA Games

Imahe mula sa PNA
  • Hindi pa rin nababayaran ng PSC ang utang nilang P387-M sa mga suppliers ng SEA Games
  • Marami na raw silang natatanggap na demand letters mula sa mga suppliers dahil sa utang
  • Hiniling na rin umano nila sa DBM ang nasabing halaga

Halos sampung buwan na ang nakararaan simula nang ganapin sa bansa ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games. Inamin ng Philippine Sports Commission (PSC) na mayroon pa rin silang utang sa mga suppliers na hindi pa nababayaran hanggang ngayon.

Sa ginanap na budget hearing nitong Martes sa Senado, sinabi ni PSC Executive Director Guillermo Iroy na marami na silang natanggap na demand letter mula sa mga suppliers dahil sa utang na nagkakahalaga umano ng P387-M.

Imahe mula sa Facebook – SEA Games

Humiling na umano sila sa Department of Budget and Management (DBM) ng nasabing halaga para mabayaran ang kanilang utang.

“We requested sa DBM an additional P387 million for the remaining payables from the different suppliers during the SEA Games,” pahayag ni Ilroy sa Senate hearing.

Oras na maibigay umano ang pera kaagad nila itong ireremit sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), ang SEA Games organizing committee, upang maayos na ito.

Imahe mula sa Facebook – SEA Games

“In fact there are too many demand letters we received. In fact some senators have also received letters from suppliers. We expect that this P387 million will soon be released by the DBM,” dagdag pa ng opisyal.

Paliwanag pa ni Ilroy, humiling ang PHISGOC ng P7.5-B na budget para sa hosting ng SEA Games subalit P5-B lamang ang naaprubahan sa 2019 General Appropriations Act. Nagbigay din umano ang Office of the President ng karagdagang P1-B subalit kinapos pa rin sila.

Ito ay dahil lumampas umano ang bilang ng participants at guest na dumalo sa pagtitipon kaysa sa kanilang inaasahan. Ang inilabas din daw nila na karagdagang P800-M ay napunta naman sa pagbili ng mga sports equipment at para sa international broadcast.

Loading…