Quarantine pass hindi na kakailanganin sa Metro Manila – MMC

Imahe mula sa PNA
  • Hindi na umano kailangan ang quarantine pass para sa mga APOR sa Metro Manila
  • Subalit depende pa rin daw ito kung mayroong kasalukuyang ordinansa ang isang LGU
  • Posible ring palawigin pa ang GCQ status sa NCR hanggang sa katapusan ng taon

Hindi na hahanapan ng quarantine pass ang mga authorized person outside of residence (APOR) na lalabas ng kanilang bahay kasabay ng pagluwag sa restrictions sa Metro Manila ayon sa Metro Manila Council (MMC).

Subalit nilinaw ni  MMC chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez na ito ay depende pa rin kung mayroong kasalukuyang ordinansa ang mga local government units (LGUs0 tungkol dito na hindi pa napapawalang-bisa.

Imahe mula sa The Straits Times

“Opo, depende na lang po ‘yan sa bawat local government unit,” paliwanag ni Olivarez. “Pero kung meron pa po silang (existing ordinance, hindi pa na-lift, pwede sila, pero under GCQ guidelines hindi na po kailangan ng quarantine pass.”

Kaugnay nito, nilinaw din ng MMC na ang maaari lamang payagang lumabas ng bahay ay yaong mga edad sa pagitan ng 18 at 65 anyos.

Pabor din ang MMC na iklian ang curfew hours sa Kamaynilaan at gawin na lang itong 12 a.m. hanggang 4 a.m. mula sa kasalukuyang 10 p.m. hanggang 5 a.m.

Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, nais din umano ng karamihan sa mga Metro Manila mayors na palawigin pa ang general community quarantine (GCQ) status sa NCR hanggang sa katapusan ng taon.

“Mas mahirap na i-Modified General Community Quarantine or MGCQ na 100 percent tsaka mo babawasan, magkakaroon ng resistance iyan, mahirap i-control. Unlike GCQ tayo tapos gradually tayo nag-a-adjust ng mga capacity. This is the better move para tumakbo ang ekonomiya natin,” wika ni Garcia.

Ang NCR ay kasalukuyang nasa ilalim ng GCQ subalit nakatakda itong matapos sa katapusan ng Oktubre.

Loading…