Quezon City government namimigay ng libreng helmet sa mga mahihirap na bicycle riders

Imahe mula sa Quezon City Government
  • Quezon City government namamahagi ng libreng helmet sa mga mahihirap na nagbibisikleta
  • Binabaan na rin ng city council ang multang ipapataw sa lalabag sa ordinansa hinggil sa pagsusuot ng helmet
  • Bibigyan ng sapat na panahon ang mga siklista na maka-comply sa ordinansa bago ang full implementation niyon

Alam ng Quezon City government na marami ang mahihirapang makasunod sa bagong ordinansa na magpapataw ng malaking multa sa mga taong nagbibisikleta nang walang suot na helmet na mapapadaan sa siyudad kaya naman sinimulan na nito ang pamamahagi ng libreng helmet sa mga walang kakayahang bumili nito.

Imahe mula sa Quezon City Government

“The city government will help those who are too financially vulnerable to comply with the recently passed Ordinance,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.

“Gagawin natin ito upang matulungan ang mga nagbibisikleta na hindi kayang bumili ng helmet upang hindi masakripisyo ang kanilang kaligtasan,” sabi pa ng alkalde.

Sa ilalim ng Ordinance No. SP-2942, ang mga walang helmet na siklista na dadaan sa loob ng Quezon City ay papatawan ng multang P1,000 para sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawang paglabag, at P5,000 sa ikatlong paglabag sa ordinansa.

Dahil sa apela ng ilang advocacy groups ay pumayag ang city council na babaan ang ipapataw na multa bilang konsiderasyon sa kahirapan ng sitwasyon ngayong may pandemya.

Upang pahupain ang pangamba ng mga nagbibiskleta, nilinaw ni Mayor Belmonte na ang city government ay magbibigay sa kanila ng sapat na panahon para maka-comply sa ordinansa bago isagawa ang full implementation niyon.

Imahe mula sa Quezon City Government

“While waiting for the final approval of the implementing rules and regulations, bicycle riders will just receive a reminder on the proper wearing of helmet,” aniya.

Sinimulan na ng Department of Public Order and Safety, na pinamumunuan ni retired General Elmo San Diego, ang pagbibigay ng paalala sa mga nagbibisikleta hinggil sa ordinansa. Namigay na rin sila ng libreng helmet.

Umabot na sa 220 helmets ang naipamigay mula sa 2,000 helmets na planong ipamahagi bago ang implementasyon ng ordinansa.

Imahe mula sa Quezon City Government
Source :

Facebook, PIA

Loading…