“Quote” na nagsabing nababalot sa kadiliman ang bansa kaya handa na siyang maging Pangulo, itinanggi ni VP Robredo

Imahe mula sa OVP
  • Isang “pahayag” ang kumakalat sa social media na iniuugnay kay VP Leni Robredo
  • Ipinalalabas sa “quote” na sinabi ni VP Robredo na ang Pilipinas ay nababalot sa kadiliman kaya handa na raw siyang maging Presidente ng bansa
  • Mariing pinabulaanan ni VP Robredo na sa kanya nanggaling ang pahayag

Sa pamamagitan ng kanyang social media account ay pinasinungalingan ni Vice President Leni Robredo ang isang kumakalat na “quote” na iniuugnay sa kanya. Itinanggi niya na sinabi niya ang ganoong pahayag.

Imahe mula sa OVP

Ayon kay VP Robredo, hindi totoo na sinabi niyang  ang Pilipinas ay nababalot sa kadiliman kaya handa siyang maging Pangulo ng bansa.

“Ang Pilipinas ay nababalot sa kadiliman, ibalik natin ang dating sigla ng bawat mamamayan, I am ready to become a President of the Philippines,” saad sa kumakalat na “quote.”

Hindi malinaw sa “quote” kung kailan o saan iyon binanggit ng Bise Presidente.

“Fake News Alert! Mariing pinabubulaanan ng ating Tanggapan ang kumakalat na fake quote na ito mula umano kay VP Leni. Hindi totoo na sinabi ng Bise Presidente na “nababalot sa kadiliman” ang Pilipinas kaya handa siyang maging pangulo ng bansa. Hindi rin matukoy ng fake news post kung saan at kailan ito nabanggit,” saad sa Facebook post ni VP Robredo.

Nagbigay ang Bise Presidente ng paalala para sa lahat na maging mapanuri sa mga nababasa sa social media at ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang mga nagpapakalat ng maling balita.

Imahe mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

“Pinaaalalahanan natin ang lahat na maging mapanuri sa mga nababasa sa social media, at i-report ang mga nagpapakalat ng fake news—lalo na ngayong panahon ng krisis, kung kailangan pinaka-kinakailangan ang tamang impormasyon,” ayon pa sa FB post ni VP Robredo.

Loading…