Raffy Tulfo itinanggi na kumita na ng P2 bilyon ang YouTube channel niya

Imahe mula kay Raffy Tulfo
  • Napaulat na kumita na ng dalawang bilyong piso ang YouTube channel ni Raffy Tulfo
  • Itinanggi ni Raffy Tulfo ang balita na aniya ay malayo sa katotohanan
  • Malalaman daw ng lahat na bilyonaryo na siya kapag natupad ang pangarap na magpatayo ng palengke kung saaan niya ilalagay ang mga walang trabaho at bibigyan ng puhunan sa negosyo
  • Magpapatayo rin daw siya ng mga paaralan kapag bilyonaryo na siya

Matapos mapaulat na kumita na siya ng dalawang bilyong piso sa kanyang YouTube channel, nilinaw ni Raffy Tulfo na malayo sa katotohanan ang balita.

Screenshot mula sa “Raffy Tulfoin Action” YouTube channel

Laking-gulat daw niya nang mabasa ang nasabing balita.

“Ako raw po ay kumikita ng  P2 billion a year. Halos malaglag ako sa aking kinauupuan, nadura ko ang kape ko,” ani Raffy Tulfo.

Aniya, hindi pa siya kumikita ng bilyong piso sapul nang magsimula ang YouTube channel  na ngayon ay may 15.4 million subscribers na.

“Hindi po ako bilyonaryo. Malayo sa katotohanan ‘yan. Never pa akong kumita ng bilyon, eversince sinimulan ko ang YouTube. Mula noon hanggang ngayon, pagsama-samahin ang kita ko hindi pa umaabot sa isang bilyon, much more 2 billion” paglilinaw niya.

Kahit daw isama pa ang kinikita niya bilang journalist at product endorser ay hindi pa rin aabot sa bilyong piso ang income niya.

“At pagsama-samahin din ang kita ko sa TV5, as an anchor, commercial endorsements ko, pati na premium ko, mga minuto na bigay sa akin ng TV5 para ibenta ko…pagsama-samahin ‘yon wala pang isang bilyon,” aniya.

Imahe mula sa Raffy Tulfo in Action

Kahit malayo sa katotohanan ay na-appreciate naman daw niya ang sumulat ng artikulo dahil sa sobrang bilib nito sa kanya.

Bilang patotoo, sinabi niya na hanggang ngayon ay nangungupahan siya ng bahay. Lumang up and down na bahay raw iyon na napuntahan na ng aktres-vlogger na si Alex Gonzaga.

May sariling bahay naman daw sila, pero ipinagiba niya iyon dahil maraming mga daga at ipis.

“Hindi ko matapos-tapos ang bahay na iyon dahil kapos sa budget at siyempre mas inuuna ko ang pagtulong na iniisip ko,” sabi pa ni idol Raffy.

Madali raw malalaman ng mga tao kapag bilyonaryo na siya.

Imahe mula sa Raffy Tulfo in Action YouTube channel

Pangarap daw niya na kapag may bilyon-bilyon na siyang pera ay magpapatayo siya ng isang palengke kung saan niya ilalagay ang mga walang trabaho at bibigyan ng puhunan sa negosyo, pero kailangang magbayad ng upa sa puwesto. Ang upa mula sa palengke ay ipampapasuweldo raw niya sa mga guro sa mga paaralang ipatatayo niya.

Iginiit niya na sa ngayon ay hindi pa siya bilyonaryo.

Loading…