Recto nais nang ipatigil ang pabahay ng NHA para sa mga sundalo at pulis

Imahe mula sa PNA
  • Kinuwestiyon ni Sen. Recto ang pabahay ng NHA para sa mga pulis at sundalo
  • Ayon sa senador, hindi dapat ito kabilang sa mandato ng ahensiya
  • Dapat daw ay mga informal sectors lang ang pagtuunan ng pansin ng NHA

Nais ipatigil ni Senador Ralph Recto ang pagtatayo ng pabahay ng National Housing Administration (NHA) para sa mga pulis at sundalo dahil hindi naman umano ito kasama sa mandato ng ahensiya.

Ani Recto, ang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ay nasa formal sector dahil may mga sahod ang mga ito mula sa gobyerno.

Imahe mula sa Facebook – Sen. Recto

“I don’t think there is a need for NHA to build homes for them but they should be able to borrow from PAG-IBIG and let the private sector build the homes so that they can choose where they want to live,” anang mambabatas sa ginawang pagdinig sa budget ng NHA para sa susunod na taon.

Sa halip umano ay dapat mas pagtuunan ng pansin ng NHA ang ang mga informal sectors na talagang nasa mandato ng ahensiya.

“I think the mandate of NHA should be for informal settlers. ‘Yung mga walang suweldo, that’s how it should work,” paliwanag ng senador.

Imahe mula sa UNTV

“That’s how our system is supposed to be designed so ‘yung walang suweldo, ‘yung nakatira sa estero, ‘yung nakatira kung saan-saan’ yun ‘yung tutulungan ng NHA,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng programa ng NHA, ang maaaring makabili ng bahay sa kanila ay ang mga personnel na mababa ang sahod mula sa AFP, PNP, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Corrections (BuCor).

Imahe mula sa NHA

Dati nang naging kontrobersiyal ang pabahay ng NHA sa Pandi, Bulacan matapos itong tirhan ng mga miyembro ng grupong Kadamay. Ayon sa grupo, wala namang nakikinabang sa mga pabahay dahil halos walang gustong tumira dito.

Inamin din ng isang sundalo sa ginawang imbestigasyon sa Senado na napilitan silang huwag tirhan ang mga bahay ng NHA dahil bukod sa nasa malalayong lugar ito ay mapapalayo rin umano sila sa kanilang destino.

Loading…