Reno liver spread mabibili nang muli sa mga pamilihan; registration aprubado na sa FDA

Imahe mula sa Lazada/Shopee
  • Maaari na muling mabili sa mga tindahan at grocery store ang Reno liver spread
  • Ito ay matapos kumpirmahin ng FDA na nakakuha na ito sa kanila ng CPR
  • Dati nang sumulat sa FDA ang manufacturer ng Reno para humingi ng paumanhin

Ilang linggo matapos tanggalin sa mga estante ng tindahan, muli nang mabibili ng mga suki sa mga pamilihan at grocery store ang sikat na Reno liver spread.

Magugunitang naging kontrobersiyal ang produkto matapos ibunyag ng Food and Drugs Administration (FDA) na hindi pa ito rehistrado sa kanila. Humingi na ng paumanhin ang manufacturer ng Reno at nangakong aayusin nila ang registration sa FDA.

Imahe mula sa Pepper PH

Nitong Biyernes, kinumpirma ni FDA Director General Eric Domingo na nabigyan na ng certificate of product registration o CPR ang Reno liver spread.

“The evaluation process for CPR (Certificate of Product Registration) entails checking of the safety and quality of a respective product with applicable standards and issuances,” ani Domingo sa text message sa mga mamamahayag.

BASAHIN: Manufacturer ng Reno liver spread nag-sorry na; nagpasa na rin ng registration sa FDA

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Domingo na sumulat sa kanila ang manufacturer ng Reno para humingi ng paumanhin.

“Sumulat naman sila at nagpaumanhin dahil hindi nga raw sila nakapagrehistro ng produkto nila at alam ko po noong isang araw ay nagsubmit na rin sila ng application for registration,” bahagi dati ni Dr. Domingo.

FDA Dir. Gen. Eric Domingo| Imahe mula sa PNA

“Hinihintay pong macomplete nila ang requirements. Basta naman po kumpleto ang requirements, mabilis ang approval sa FDA,” dagdag pa ng opisyal.

Mababatid na nagulantang ang publiko sa naging anunsiyo noon ng FDA na hindi pa rehistrado sa kanila ang palaman na ilang dekada na ring naihahain sa mga mesa ng pamilyang Pinoy.

Paliwanag ng FDA, dati kasi ay sa National Meat Inspection Service (NMIS) nagpaparehistro ang mga produktong karne at nailipat lamang ito sa kanila noong 2015.

Loading…