Roque matapos biruing ‘big mouth’ ni Gordon: “Nagsasalita tayo sa ngalan ng Presidente”

Imahe mula sa Facebook
  • Sinagot ni Roque ang ‘biro’ ni Gordon na tinawag siyang ‘big mouth’
  • Ani Roque, nagsasalita lamang siya sa ngalan ni Pangulong Rodrigo Duterte
  • Hindi rin umano panghihimasok ang ginagawa niyang mga pahayag sa usapin ng Philhealth at Red Cross

Sinagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pasaring ni Senador Richard Gordon na nanghihimasok umano siya sa usapin ng PhilHealth at utang nito sa Philippine Red Cross (PRC).

Sa naging pahayag ng senador, na siyang chairman ng PRC, biniro pa nito na ‘big mouth’ umano ang tagapagsalita ng Palasyo.

Imahe mula sa PRC

“I will just tell him this, in jest, big mouth doesn’t make a big man,” wika ni Gordon sa panayam ng ANC.

“He’s spokesman of the President, the President told him pay it. What is he doing interpreting? He’s always been involving himself in PhilHealth affairs,” dagdag na pahayag ng mambabatas.

Subalit depensa ni Roque hindi panghihimasok ang kaniyang ginagawang pagsasalita tungkol sa mainit na isyu ng PhilHealth-Red Cross.

Ang tagapagsalita ng Malakanyang ay kilalang kritiko ni resigned PhilHealth chief Ricardo Morales at isa rin sa may-akda ng (Universal Health Care UHC) law.

“Hindi naman ho tayo nanghihimasok sa issue ng PhilHealth at ng Philippine Red Cross. Kaya nga lang po, nagsasalita tayo sa ngalan ng ating Presidente,” ayon kay Roque.

Imahe mula sa PCOO

Mahalaga umano kay Pangulong Duterte ang usapin tungkol sa COVID testing dahil isa ito sa estratehiya ng gobyerno upang labanan ang paglaganap ng coronavirus.

“Dahil dito po meron naman po tayong interes na siguruhin na ginagawa ng PhilHealth ang kanyang katungkulan dahil sila po ang nagpapatupad ng Universal Healthcare at ito pong testing ay isa po sa mandato talaga ng Universal Healthcare,” ani Roque.

Magugunitang pansamantalang itinigil ng PRC ang COVID testing nito dahil sa kabiguang makasingil sa Philhealth ng utang na umabot na sa mahigit P1-B.

Nitong Martes lang na-release ang partial payment ng PhilHealth na P500-M subalit nagbabala ang senador na muli nilang ititigil ang testing kapag hindi na naman nagbayad ang state insurer ng balanse nito sa loob ng tatlong araw.

Loading…