Sabong sa mga lisensyadong sabungan puwede na sa MGCQ areas

Imahe mula sa Sabong88
  • Pinayagan na ng IATF ang sabong sa mga lisensyadong sabungan sa MGCQ areas
  • Nasa LGUs ang huling pasya kung papayagan ang sabong sa kanilang nasasakupan
  • Bawal ang audience sa loob ng sabungan

Good news sa mga sabungero – sabong pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa ilalim ng ilang mga kindisyones na dapat sundin.

Imahe mula sa Sabong Nation

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, batay sa IATF Resolution 74, ang sabong ay maaari nang gawin sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ). Maaari lang itong gawin sa mga lisensyadong sabungan.

Nilinaw ni Secretary Roque na nakasaad sa IATF resolution na nasa kamay pa rin ng mga local government units ang pinal na pagpapasiya kung papayagan ang sabong sa kanilang nasasakupan.

“The local government units shall have the final decision on whether the operation of licensed cockpits and conduct of cockfighting activities can proceed in their respective localities,” saad ng bahagi ng IATF resolution.

Ang iba pang mga kondisyong inilatag ng IATF ay ang pagbabawal sa mga manonood o audience. Tanging ang mga manok at ang mga humahawak sa mga ito ang papayagan sa loob ng sabungan. Hindi rin papayagan ang online at remote betting. Hindi rin maaaring i-broadcast sa social media o sa anumang paraan ang nagaganap na sabong.

Binigyang-diin naman ni Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na ang mga lisensyadong sabungan lang ang pinapayagan at hindi ang mga tupada at e-sabong sa internet na nananatiling ilegal.

Tupada/Imahe mula sa Palawan News

“We would like to remind the public that this kind of operation is illegal. We urge the operators and the players to wait for additional time for the release of the IATF Guideline on cockfighting operation before engaging in any activity,” ani Eleazar.

Bukod sa sabong, pinapayagan na rin ang operasyon ng off-track betting station para sa karera ng kabayo sa GCQ at MGCQ areas.

Imahe mula sa DM Guevarra OTB

 

Loading…