Sec. Harry Roque nagpasalamat sa lifeguard na nagligtas sa kaniya sa Boracay

Imahe mula sa Facebook ni Sec. Roque
  • Nagpasalamat si Roque sa lifeguard na nagligtas umano sa kaniya sa Boracay
  • Hindi raw niya kasi namalayang nakalayo na pala siya habang lumalangoy nang mahigit isang oras
  • Hinikayat ni Roque ang publiko na mamasyal sa isla upang makatulong sa pagbangon ng turismo

Malaki ang pasasalamat ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa lifeguard na umano’y nagligtas sa kaniya sa Boracay matapos hindi mamalayang nakalayo na pala siya habang lumalangoy sa dagat.

Sa panayam ng TeleRadyo kay Roque, ikinuwento ng tagapagsalita ng Palasyo na mahigit isang oras at kalahati na siyang lumalangoy nang hindi niya namalayang napalayo na pala siya.

Imahe mula sa Facebook ni Sec. Roque

“Napakakalma ng alon, langoy lang ako nang langoy, hindi ko nararamdaman iyong current, napakalayo ko na,” bahagi ng opisyal.

“Isi-nave ako ng lifeguard. Maraming salamat sa lifeguard,” ayon pa sa kalihim.

Magugunitang pumunta si Roque sa Boracay upang ipakita sa publiko na handa na muling tumanggap ng turista ang isla makaraan ang ilang buwang lockdown.

Sa isang video clip, nakita pang masayang kumakaway si Roque habang iniimbitahan ang madla na mamasyal sa isa sa pinakasikat na tourist destination hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.

“Punta na kayo Boracay! Tara na sa Boracay!” wika nito.

Screenshot mula sa Facebook video ni Sec. Roque

Isa umanong malaking tulong sa pagbangon ng ekonomiya ng isla ang muling pagpapasigla ng turismo doon lalo pa’t mahigit 30,000 trabaho ang naapektuhan ng pagsara nito.

“Ang muling pagbubukas ng Boracay sa turismo ay magiging mabuti hindi lamang para sa ekonomiya ngunit para din sa kalusugan ng pag-iisip at emosyonal ng mga tao na matagal nang nakakulong sa kanilang mga tahanan at naghahangad na makahanap ng isang maikling pagtakas mula sa kanilang quarantined life,” ani Roque sa kaniyang Facebook.

Pinaalalahanan din ni Roque ang sinumang may planong bumisita sa Boracay na kailangang sumunod sa pinaiiral na health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Kailangan ding magnegatibo muna sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-CPR) test mga 48-72 oras bago bumiyahe at sasailalim din sa COVID-19 detection test bago sumakay ng eroplano.

Loading…