Sen. Lito Lapid nais gawing legal ang digital scanning ng mga textbooks para gawing e-books

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Lito Lapid
  • Isinusulong ni Senador Lito Lapid na payagang gawing e-books ang mga textbooks at modules
  • Ito ay upang protektahan umano ang mga estudyante sa pagkalat ng COVID-19 dahil sa hiraman ng libro
  • Hindi naman malinaw sa panukala ng senador kung paano patuloy na poprotektahan ang intellectual property right ng may-akda

Dala ng pangangailangan ng panahon dahil sa umiiral na pandemya, nais ni Senador Lito Lapid na payagan ng mga publisher na sasali sa Public School Textbook Program ng gobyerno na i-scan ang kanilang mga libro at gawin itong mga e-books o iba pang katulad na digital format.

Dahil dito, isinusulong ng mambabatas na amyendahan ang Republic Act (RA) 8047 o “Book Publishing Industry Development Act” upang bigyang daan ang kaniyang panukala na mayroong pagsasalang-alang sa ‘Intellectual Property Code of the Philippines’.

Imahe mula sa Facebook ni Lito Lapid

Wika ng senador, batid niya na matagal nang problema sa mga pampublikong paaralan ang kakulangan sa mga libro, at ngayon nga ay sa mga learning modules naman.

“Mula noon hanggang ngayon, hindi naging 1:1 ang ratio ng pamimigay ng libro o module sa ating mga mag-aaral,” ani Lapid.

“Sa panahong ito na delikado ang paglaganap ng covid-19 virus, mas mainam kung maisalin na lamang sa e-books o digital format ang mga libro para ligtas ang bawat estudyante at magagamit nila ito gaano man nila kadalas kailanganin nang hindi nagmamadali dahil may iba pa silang kaklase na kailangang manghiram ng module o libro,’’ paliwanag pa ng senador.

Imahe mula sa J. Paul Leonard Library

Ang Senate Bill  No. 1881 na ipinanukala ni Lapid ay naghihikayat din sa pamahalaan na gumawa ng paraan na punan ang kaukulangan ng libro at modules gamit ang makabagong teknolohiya ngayon.

“The e-books and digital format copies of the textbooks shall also be made available and accessible to all public school students, in a manner deemed appropriate and reasonable by the DepEd,” ayon sa Senate bill.

Hindi lamang malinaw sa nasabing panukala kung paano patuloy na mapoprotektahan ang intellectual property right ng may-akda oras na maisabatas na ito.

Loading…