Sen. Nancy Binay may pinariringgan nga ba sa kaniyang ‘palabra de honor’ tweet?

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Nancy Binay
  • Tila may pinariringgan si Senador Nancy Binay sa kaniyang tweet kamakailan
  • Tungkol kasi ito sa ‘palabra de honor’ o pagtupad sa binitawang salita
  • Hula ng karamihang netizens, pasaring ito kay Speaker Alan Peter Cayetano

Mistulang may pinariringgan si Senador Nancy Binay sa kaniyang pinakahuling tweet nitong Huwebes tungkol sa ‘palabra de honor’.

Sa kaniyang Twitter account, nagbahagi ng simpleng tanong ang senadora tungkol sa puwede niyang ipangregalo umano sa darating na Pasko.

Screenshot mula sa Twitter ni Sen. Nancy Binay

“San kaya pwede mag order ng Palabra De Honor ? Parang ok sya pamigay sa Pasko?” anang mambabatas. Mayroon pa itong kalakip na lumang advertisement ng Development Bank of the Philippines (DBP) na tungkol rin sa ‘palabra de honor’.

“Anak, sa kasunduan ang salita pinaninindigan, ang pangako tinutupad,” wika ng ama sa commercial.

Kaagad namang hinulaan ng ilang netizens na ang tweet ni Senador Nancy ay parinig kay House Speaker Alan Peter Cayetano sa gitna ng umiinit na usapin sa speakership ng Kamara.

Imahe mula sa Facebook

Si Cayetano ay nababatikos dahil tila ayaw nitong tuparin ang kanilang ‘gentleman’s agreement’ ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco. Ang kaguluhan ay nag-ugat sa kasunduan dati ng dalawang kongresista, na may basbas pa ni Pangulong Duterte, tungkol sa hatian ng speakership kung saan manunungkulan si Cayetano sa unang 15 na buwan habang si Velasco naman ang uupo sa huling 21 na buwan.

Subalit mistulang ayaw nang bumaba sa puwesto ni Cayetano dahil umano walang kakayahan si Velasco na maging lider ng Kamara bukod pa sa kulang ang mga tagasuporta nito.

Rep. Velasco at Speaker Cayetano| Imahe mula sa Head Topics

Si Cayetano ay kilalang dating mahigpit na kritiko ng pamilya Binay, lalo na ni dating Vice President Jojo Binay, noong siya ay senador pa.

Siya rin ang nagpasimuno noon sa Senado upang maimbestigahan ang diumano’y tagong yaman ng mga Binay kabilang na ang isang malawak na property sa Batangas.

Loading…