Senador Binay kinuwestiyon ang DOTr sa Cebu BRT project na hindi natuloy kahit gumastos na ng P7-B

Screenshot mula sa Facebook
  • Kinuwestiyon ni Binay ang Cebu BRT project na inutang pa sa WB ang pondo subalit hindi natuloy
  • Ayon kay Binay, gumastos na ng P7-B para sa proyekto subalit wala pa ni isang hukay na nagawa
  • Inamin naman ng DOTr na may babayarang ‘commitment fees’ ang gobyerno kahit hindi pa natuloy ang project

Kinuwestiyon ni Senador Nancy Binay ang Department of Transportation (DOTr) sa proyekto ng ahensiya na inutang ang pondo sa World Bank subalit hindi na natuloy makaraan ang limang taon.

Ang tinutukoy ng senadora ay ang panukalang Bus Rapid Transit (BRT) system na planong gawin sa Metro Manila at Cebu upang mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko sa kalsada.

Sa ginanap na pagdinig para sa panukalang 2021 budget ng DOTr, sinabi ni Binay sa mga opisyal ng DOTr na kailangang pag-isipang muli ng ahensiya ang tungkol sa Cebu BRT project dahil ito ay inutang sa World Bank.

Imahe mula sa Facebook ni Senador Nancy Binay

Ang proyekto ay pinundohan ng loan sa World Bank na nagkakahalaga ng P16.5-B at dapat ay nasimulan na noong 2015 at makukumpleto sa 2021.

Ani Binay, ni isang hukay ay walang nagawa sa nasabing proyekto sa kabila ng mahigit P7-B na umano ang nagastos ng gobyerno dito.

“Since 2015 to 2019, we have already spent P7 billion for this project at ni isang hukay wala pang nangyayari. By next year, tapos na itong loan natin at hihingi pa nga kayo ng extension,” ani Binay.

Maliban dito, ang kaparehong project umano na Metro Manila BRT na inutang din sa Official Development Assistance (ODA) ng Japan ang ponding P5-B ay hindi pa rin nasisimulan.

Imahe mula sa Inquirer/Colin Brader

Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor, ang Metro Manila BRT ay itinigil noong 2017 dahil maraming itong isyu tulad ng problema sa right-of-way.

Samantala, itinanggi naman ni DOTr Undersecretary Garry De Guzman na umabot na sa P7-B ang nagastos ng gobyerno para sa Cebu BRT.

Ang mahigit umano sa P400-M na nakalaan para sa proyekto noong nakaraang taon ay nare-align sa ibang programa kabilang na ang COVID response.

“We realigned almost P300 million for COVID. ‘Yung P100 million, hindi pa nare-release,” paliwanag ni Pastor.

Inamin naman ng mga opisyal na mayroon pa rin talagang babayaran na ‘commitment fees’ ang gobyerno sa ODA kahit hindi na natuloy ang proyekto.

Loading…