Skyway 3 libre sa loob sa isang buwan kapag nagbukas na sa Disyembre

Imahe mula sa Facebook
  • Matutuloy na ang pagbubukas ng Skyway Stage 3 sa Disyembre, ayon sa SMC
  • Libre ang toll fee sa unang isang buwan nito matapos magbukas
  • Finishing works na lamang at asphalt laying ang natitira sa mga gagawin

Tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng Metro Manila Skyway (MMS) Stage 3 sa Disyembre at bilang pamasko ay libre ang magiging toll fee sa loob ng isang buwan; ito ang ibinahagi ni San Miguel Corporation (SMC) president at CEO Ramon S. Ang.

Ayon kay Ang, titiyakin nila ang pagbubukas ng 18 kilometro elevated expressway sa darating na kapaskuhan sa kabila ng umiiral ng pandemya.

Imahe mula sa Facebook

“We have all waited long for this project, so this is the best way we can welcome everyone, by making Skyway 3 free for one month,” ani Ang.

Ang P37.4-bilyong proyekto ay inaasahang magpapaikli ng oras ng biyahe mula SLEX hanggang NLEX mula sa kasalukuyang tatlong oras hanggang 20 minuto na lamang.

Sa pamamagitan ng bagong kalsadang ito, ang biyahe mula Magallanes hanggang Balintawak ay aabutin ng 15 minuto na lamang; ang biyaheng Balintawak hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay halos ganun din; habang mula Valenzuela hanggang Makati ay 10 minuto na lamang ang aabutin.

“With Skyway 3, we will improve the daily commutes and lives of so many Filipinos. We will lessen their time spent in traffic on the road, we can increase both their productivity and time spent with their families,” wika pa ni Ang.

Imahe mula sa Facebook

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng SMC na ang MMS Stage 3 structures ay kumpleto na at natapos ito nang mas maaga kumpara sa target nilang October 31.

Ang ginagawa na lamang umano ay mga finishing works kabilang na ang paglalatag ng aspalto na pinababagal ng madalas na pag-ulan.

Ganunpaman, tiniyak ni Ang na magagamit na ito ng mga motorista sa Disyembre gaya ng naipangako nila.

Ang bahagi ng Skyway Stage 3 mula Buendia hangga Plaza Dilao ay halos isang taon na ring natapos at ginagamit ng mga motorista ngayon nang walang bayad.

Loading…