SSS, nagbabala sa members, pensioners na huwag tangkilikin ang mga online fixers

Imahe mula sa SSS
  • SSS, nagbabala sa members at pensioners na huwag makipagtransaksyon sa mga online fixers
  • Pinayuhan ng SSS ang mga members at pensioners na protektahan ang kanilang SSS online accounts mula sa mga manloloko
  • Binalaan din ng SSS ang online fixers na may pananagutan sila sa batas

Nagbigay ng babala ang Social Security System (SSS) sa mga miyembro at mga pensioners nito na wala itong kinalaman sa mga social media accounts at pages na nag-aalok ng serbisyo na may kapalit na bayad.

IMahe mula sa SSS

Ayon sa SSS, nanghihingi ng bayad ang mga online fixers para sa pagpapabilis umano ng mga transaksyon sa state-owned pension fund tulad ng paggawa ng SSS online account, pag-file ng benefit claims,  release ng pension loan applications, release ng retirement benefits at iba pa.

Pinayuhan nito ang mga miyembro na maging mapagbantay para maprotektahan ang SSS accounts mula sa mga taong manloloko at siguruhin na ang lahat ng online transactions ay gagawin lang sa pamamagitan ng My.SSS online accounts na puwedeng ma-access sa SSS official website na sss.gov.ph at SSS Mobile app.

Binalaan din ng SSS ang mga online fixers na may pananagutan sila sa batas dahil sa pagkuha ng confidential information at panghihingi ng bayad mula sa mga SSS members at pensioners.

Ang mga nabanggit ay paglabag umano sa Section 7 ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018 na may kaakibat na multang hindi bababa sa P5,000 o kaya’y kulong na hanggang isang taon o pareho.

Imahe mula sa SSS

“These malicious acts violate Section 17 of Republic Act 11199 or the SS Act of 2018 and is punishable by a fine up to P5,000 pesos or imprisonment for not less than 6 months up to 1 year or both depending on the decision of the court,” ayon sa SSS.

Pinaalalahanan din ang mga members at pensioners na ang paggamit ng serbisyo ng online fixers ay isang paglabag sa Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Maaaring i-report ang mga online fixers sa pamamagitan ng pagpapadala ng e-mail sa SSS Special Investigation Department sa [email protected] o kaya ay magpadala ng direct message sa social media accounts ng SSS na “Philippine Social Security System” sa Facebook, “mysssph” sa Instagram at “PHLSSS” sa Twitter.

Imahe mula sa SSS

Loading…