
- Nakabibilib ang isang bulag na senior citizen mula sa Bohol
- Sa kabila ng kapansanan ay kayang-kaya niyang gampanan ang mga gawain sa bukid at sa bahay
- Nabiyayaan din siya ng talento sa paggigitara at pagkanta
Para sa pamilya kakayanin ang lahat. Ito ang “motto” ng isang senior citizen mula sa lalawigan ng Bohol na parehong bulag ang mga mata.

Nakabibilib ang sisenta anyos na si Beng Narisma dahil sa kabila ng pagiging isang bulag ay nagagawa nito ang mga gawain sa bukid at bahay nang walang kahirap-hirap.
Sa video na ibinahagi ng Unang Balita ng GMA News, ipinakita kung paanong inakyat ni Narisma ang isang mataas na puno ng niyog upang kumuha ng tuba. Ang pagtutuba ang ikinabubuhay ng pamilya niya.
Hindi madaling gawain ang pagtutuba. Kailangang pungusan o tapyasan ang bulaklak ng niyog para umagos ang katas nito na ginagawang tuba. Dalawang beses kada araw inaakyat sa puno ang tuba.
Mahirap man ay parang napakadaling nagagawa iyon ng matandang bulag. Kayang-kaya rin daw niyang umakyat sa kabundukan kahit walang kasamang alalay.
Normal na rin niyang ginagawa ang pagsisibak ng mga kahoy na ginagamit nilang panggatong sa pagluluto ng mga pagkain. Makikita siya na pinuputol ang isang malaking sanga ng puno bago iyon sibakin.

Tiyak na mapapahanga sa kanya ang mga makapanonood ng video kung paano niyang isinukbit sa beywang ang ginamit na itak.
Bukod sa mga gawain sa bahay at bukid, mayroon din siyang talento sa musika. Mahusay siyang kumalabit ng gitara at marunong umawit.

Kuwento ni Narisma, pitong-taong gulang pa lang siya nang mabulag dahil sa komplikasyon sa tigdas. Sa kabila ng kapansanan ay nakapag-asawa pa rin siya at nagkaroon ng mga anak.
Aniya, kakayanin niya ang lahat para sa kapakanan ng kanyang pamilya.