
- Tatlong Shih Tzu nag-viral sa social media dahil nag-kulay pink ang mga ito
- Naaliw ang mga netizens sa hitsura ng kulay pink na mga tuta
- Pinaglaruan ng tatlo ang colorant powder na paninda ng kanilang “furparent”
Maraming social media users ang naaliw at nagsabing gumanda ang araw nila dahil sa video ng nakatutuwang hitsura ng tatlong tutang shih tzu na kulay pink.

Hindi nalalayo ang hitsura ng mga tuta sa inilalakong mga sisiw na sadyang nilagyan ng artipisyal na kulay upang gawing kaakit-akit para sa mga bata. Ang kaibahan lang, hindi sinadya ng may-ari na kulayan ang mga alagang shih tzu.
Ayon sa nag-upload ng video na si Andrea Del Mundo Luciano, nagulat daw ang pinsan niyang si Lhoris Torres nang magising at makitang kulay pink na ang furbabies niya. Maging ang sahig at dingding ng silid ay nag-kulay pink din.
Pinaglaruan pala ng tatlo ang colorant powder na paninda ng kanilang “furparent’ na si Lhoris.
“Siguro po tulog pa kami naabot po ‘ata nila ‘yung plastic then nginatngat nila hanggang sumabog ‘yung colorant powder. Nagulat ako pagtingin ko sa kanila, pink na sila. Nandon ‘yung tuwa at inis ko kasi po grabe ‘yung kalat di ko pa kayang linisin mag-isa and aside dun, I’m worried baka masama sa kanila ‘yon,” kuwento ni Lhoris.

Hindi naman nalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga shih tzu dahil food grade at ligtas kahit makain ang pinaglaruang colorant.
Araw-araw umanong chine-check ni Lhoris ang mga alaga kung magkakaroon ng iritasyon.
“Wala naman po, araw-araw ko po silang chine-check,” aniya.
Pinaliguan na niya ang tatlong alaga, pero hindi pa rin lubos na nawawala ang pink na kulay sa kanilang mga balahibo. Ani Lhoris, mga ilang paligo pa siguro ay mawawala rin ang kulay.
