Partner ni Tekla, umatras sa hair follicle test; Tulfo binawi ang tulong

Imahe mula sa YouTube | Raffy Tulfo in Action
  • Umatras ang partner ni Tekla sa nakatakdang hair follicle test
  • Dahil dito ay binawi na rin ni Raffy Tulfo ang mga ipinangakong tulong para sa kaniyang pamilya
  • Ipapa-assess din daw ng kanilang programa kung karapat-dapat sa poder ni Michelle ang kaniyang mga pamangkin

Hindi na makatatanggap ng tulong mula sa programa ni Raffy Tulfo si Michelle Lhor Bana-ag, ang partner ni Tekla, matapos nitong umatras sa hair follicle test.

Imahe mula sa YouTube | Raffy Tulfo in Action

Paliwanag ni Tulfo, eksamin sa hair follicle sa halip na urine test ang kanilang isasagawa dahil kaya nitong ma-detect kung nakagamit siya ng bawal na gamot sa nakalipas na 90 araw.

Ayon naman kay Michelle, tumanggi na siyang gawin ito dahil pinayuhan siya ng kaniyang tiyahin na huwag nang sumailalim dito upang makaiwas sa binat lalo na at apat na buwan pa lamang simula nang manganak siya.

Para naman kay Tulfo ay palusot lamang ito dahil hindi naman daw bubunutin ang buhok at gugupitin lamang. “Hindi ako doctor pero I know for a fact na walang kinalaman ang binat kapag ikaw ay ginupitan ng buhok,” aniya.

“This is now an indication to me na meron kang itinatago kasi alam mo kapag sa urine, kaya mong iwasan. Dito kasi up to 90 days, malalaman kung gumagamit ka pa rin o hindi.”

Imahe mula sa Instagram | Tekla

Dahil sa pangamba na baka gamitin ang kaniyang itutulong upang bumili ng ipinagbabawal na bagay ay hindi na rin itutuloy ni Tulfo ang pagtulong kay Michelle. Nangako noon si Tulfo na magbibigay ng pambayad ng renta, groceries, at ipapapustiso rin si Michelle upang makahanap na siya ng trabaho.

Papupuntahin din nila ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tahanan ni Michelle upang malaman kung karapat-dapat ba siyang maging guardian ng kaniyang mga pamangkin at maging ng anak nila ng komedyante.

Dumulog noon si Michelle sa programa ni Tulfo dahil diumano ay hindi sila pinakakain ni Tekla kapag hindi niya ito napagbibigyan sa kaniyang kagustuhan. Nagkaayos na sila ni Tekla ngunit nagpasya na silang maghiwalay.

Narito ang final episode sa usapin nila kay Idol Raffy:

Source :

YouTube, YouTube

Loading…