Totoo bang masarap ang mga lutong putahe sa palayok?

  • Naghatid ng pagbabalik-gunita ang larawan ng isang kasangkapang pangkusina
  • Ito ay ang palayok o clay pot sa Ingles
  • Yari ito sa luwad o putik

Isa na yata sa mga kasangkapan o kagamitang pangkusina na hindi basta-basta mawawala sa kulturang Pilipino ay ang mga palayok o clay pot. Bago pa man mauso ang mga bakal na kasangkapang gaya ng kawali o kaserola, ito muna ang naging “star” ng kusina noon.

May mga nagsasabing mas masarap daw ang mga lutong ulam o putahe kapag niluto sa palayok, at ang apoy ay nagmumula sa mga panggatong na kahoy o uling. Iyan ang pinag-usapan at pinatotohanan sa Facebook page na “Memories of Old Manila” kung saan makikita ang larawan ng isang matandang babaeng nagluluto sa palayok. Tanong tuloy: “Nakatikim na ba kayo ng mga luto sa palayok? Totoo bang masarap at nakatikim na ba kayo?”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

Tumugon naman dito ang mga netizens.

“Oo naman! Masarap na masarap ang sinampalukang manok at lahat ng uri ng paksiw. Nakaka-miss kumain ng mga pagkaing nasa palayok,” sabi ng isa.

“Oo naman sa probinsiya, parang nagkakaroon ng authentic taste na wala sa mga metal pots, healthy po kapag diyan luto ang food sure na safe,” bida naman ng isa.

Patotoo naman ng isa, “Naman! Dalawang uri ‘yan ng palayok, yung maliit ang bunganga ay banga, at yung malaki naman ang bunganga ay tayab ang tawag namin mga Ilokano. Iyong tayab ay lutuan ng ulam, yung banga naman ay sa kanin.”

“Masarap ang lutong kanin sa palayok dahil sinasapinan namin ng dahon ng saging, para huwag manikit ang bigas; kapag luto na nakakadagdag-aroma sa kanin iyon at malasa,” saad naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Yes, diyan kami nagluluto ng sinaing na tulingan na may sapin na may tuyong kamyas,  bawang at taba ng baboy. Napakasarap!”

Public Domain Image

Kaya batay sa mga tugon ng mga netizens, masasabing tunay na masarap nga ang nagiging lasa ng mga putaheng iniluto sa palayok. 

Ang palayok ay gawa sa luwad o putik. Sa San Juan, Batangas, taon-taon nilang ipinagdiriwang ang “Lambayok Festival” na nagtatampok sa kanilang lambanog at palayok.

Subalit paano nga ba gumawa ng palayok? Ayon sa YouTube channel na “Wow Batangas,” mula sa nahukay na luwad, binabasa at dinudurog itong maigi upang maging basa at malambot. Pagkatapos, bahagya itong patitiktikin at huhulmahin. Pagkatapos nito, aalisin na ito sa hulmahan. Ginagamitan ng mga kamay ang paglalagay rito ng bunganga.

Mga dalawang araw itong patutuyuin at paaarawan bago painitin ulit sa malaking pugon. Kapag maayos na ito, maaari na itong pinturahan o kaya naman ay panatilihin ang kulay-lupa nito.

Panoorin ang paggawa ng palayok mula sa YouTube channel ng Wow Batangas:

<iframe width=”853″ height=”480″ src=”https://www.youtube.com/embed/YpVicDVsDl0″ frameborder=”0″ allow=”accelerometer; autoplay; clipboard-write; encrypted-media; gyroscope; picture-in-picture” allowfullscreen></iframe>

Loading…