Totoo nga ba ang “sukob” sa kasal?

  • Maraming pamahiin ang mga Pilipino hinggil sa kasal
  • Isa na rito ang “sukob”
  • Ito raw ay maituturing na malas, lalo na sa magkakapatid

Isa sa mga pamahiing Pilipino na hanggang ngayon ay sinusunod pa rin ay ang “sukob” sa kasal. Totoo nga ba ito?

Para sa biyudang si Marie, 28 taong gulang mula sa Antique, ito ay totoo dahil siya mismo ay nakaranas na nito. Hindi lamang isang beses kundi tatlong beses umano. Lahat ng kaniyang mga napangasawa ay wala na ngayon, at hindi man lamang nagtagal ng isang taon ang kani-kanilang mga pagsasama.

Public Domain Image

“Naniniwala talaga ako sa sinasabing sukob ng mga matatanda. Kaya dapat, matuto tayong sumunod sa kung anuman ang sinasabi sa atin ng mga nakatatanda, lalo na sa mga probinsiya. Wala naman kasing masama kung susundin natin eh,” patotoo niya.

Sabi naman ni Peter, 34 taong gulang mula sa Sorsogon, hindi naman daw ito totoo.

“Hindi naman totoo iyan. Mas matakot ka kapag nainip na ang kasintahan mo at hindi na nagpakasal sa iyo dahil nakahanap na siya ng iba. Naging sukob din ang kasal namin pero ngayon, nagsasama pa rin kami nang maayos ng misis ko. May apat na anak na kami.”

Ano nga ba ang sukob sa kasal? 

Bukod sa napakaraming pamahiin sa kasal, ang “sukob” ay tumutukoy sa pag-iwas na maikasal ang dalawang magkapatid sa kanilang mga kasintahan sa kaparehong taon, dahil isa sa kanila ay mamalasin o maghihiwalay. Hindi raw dapat gawin ang “double wedding” ng mga magkakapatid.

Noong 2006, nagkaroon ng pelikulang “Sukob” ang Star Cinema na pinagbidahan nina Kris Aquino at Claudine Barretto na tumatalakay sa pamahiing ito.

Public Domain Image

Hindi rin dapat matuloy ang pagpapakasal ng magsing-irog kapag may namayapang mahal sa buhay sa kaparehong taon. Tinatawag itong “sukob sa patay.” Kinakailangang patapusin muna ang “babang-luksa” bago ituloy ang pagpapakasal.

Paminsan, upang hindi na lamang masaktan ang mga magulang ay nakatatanda, sinusunod na lamang ito ng mga magsing-irog bilang pagpapakita na rin ng paggalang sa kanila, kahit wala naman itong batayang makaagham.

Subalit sukob man o hindi ang kasal, ang ikatatagumpay ng isang buhay-may-asawa ay nasa kamay pa rin ng babae at lalaking nangako sa dambana, na magsasama sa hirap at ginhawa, na may paggalang at pagmamahal para sa isa’t isa.

Loading…