Trapik sa main road maiibsan sa partial opening ng Tagaytay Bypass Road na may bike lanes

Screenshot mula sa video ng Saksi
  • Binuksan na sa mga motorista ang dalawang bahagi ng Tagaytay Bypass Road Project
  • Maiibsan ang trapik sa main road ng Tagaytay City sa pagbubukas ng bahagi ng bagong kalsada
  • May built-in bike lane ang bypass road

Binuksan na sa motorista noong Miyerkules, October 21, ang dalawang bahagi ng patuloy na ginagawang Tagaytay Bypass Road Project sa Tagaytay City, Cavite.

Imahe mula sa DPWH

Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar ang inagurasyon ng Maitim at Kaybagal sections ng bypass road. May habang 1.54 kilometers ang binuksang sections nito.

Kapag natapos, aabot sa 8.59 kilometers ang buong kahabaan ng Tagaytay Bypass Road na makatutulong na ma-divert ang trapiko mula sa main road patungo sa Luksuhin, Sikat, Zambal, Guinhawa, Patutong Malaki, Balagbag, Salaban, Kaybagal, at Maitim sections ng ginagawang kalsada.

“The opening of these two sections is only the beginning as we have been prioritizing the inclusion of Tagaytay Bypass Road Project in the national budget since 2018,” pahayag ni Sec. Mark Villar.

Malapad ang bagong kalsada na may apat na lane – tig-dalawa sa magkabilang direksyon – at may built-in bike lanes pa sa magkabilang panig bilang pagsunod sa Department Order 88 Series of 2020 na nagsasaad na required na ang bike lanes sa lahat ng future national roads at bridge projects ng DPWH.

Imahe mula kay Sec. Mark Villar

“Magandang umaga po. Nandito po tayo sa Tagaytay Bypass Road at makikita n’yo po nandito ako sa bike lane. Ito po ay magiging standard na sa DPWH, sa ating mga bagong kalsada magkakaroon po ng independent bike lane,” sabi ng kalihim sa isang video na ibinahagi niya sa sariling social media account.

Target ng DPWH na makumpleto ang buong proyekto bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Screenshot mula sa video ng Saksi

Loading…