‘Traslacion’ ng Black Nazarene sa Enero kanselado muna dahil sa pandemya

Imahe mula sa City of Manila
  • Kinansela muna ng Lungsod ng Maynila ang ‘Traslacion’ sa susunod na taon
  • Bilang pag-iingat na rin umano ito sa pagkalat ng coronavirus ngayong pandemya
  • Magdaraos na lamang ng misa ang simbahan ng Quiapo sa araw ng prusisyon

Hindi na muna itutuloy ang Traslacion ng Itim na Nazareno ng Quiapo, Manila na nakatakda sanang ganapin sa darating na Enero dahil na rin sa umiiral na pandemya.

Inanunsiyo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong Biyernes na kanselado muna ang prusisyon ng mahal na patron ng Quiapo na dinadagsa ng milyon-milyong deboto ng Black Nazarene kada taon.

Imahe mula sa City of Manila

“The grand procession of the life-sized image of the Black Nazarene in January 2021 has been cancelled due to the COVID-19 pandemic,” ayon sa anunsiyo ng Manila PIO Facebook page.

Ito ay ayon na rin sa pinagkasunduan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng Quiapo Church na ‘wag na munang idaos ang ‘Traslacion’ sa kauna-unahang pagkakataon para na rin masigurong maipatutupad ang public health protocols sa itinakdang araw ng pagdiriwang.

Ayon kay Mayor Isko, ito ay upang maiwasan na kumalat pa ang coronavirus sa milyong deboto na inaasahang makikilahok sa prusisyon.

“Nakikisuyo po ako, iwasan po muna natin ang mga parada at prusisyon ngayong may pandemya dulot ng sakit na COVID-19. Maaari pong mapahamak ang ating mga deboto, mailagay sila sa alanganin,” anang alkalde.

Imahe mula sa City of Manila

Dahil dito, sinabi ni Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel na magdaraos na lamang ng misa ang simbahan sa araw ng ‘Traslacion’.

“Ang mangyayari po sa January 9 ay patuloy na mga misa, at yung ating mga bikaryo ay ilalagay po natin sa canopy po sa labas ng simbahan,” paliwanag ni Fr. Coronel.

Ginanap ang huling ‘Traslacion’ noong Enero 9, 2020 kung saan inabot ng mahigit 16 oras ang prusisyon na dinaluhan ng tinatayang 3.3 milyon katao.

Loading…