Traslacion ng Itim na Nazareno hindi papayagan ni Yorme hangga’t walang COVID-19 vaccine

Imahe mula sa Metrokelan
  • Posibleng hindi matuloy ang Traslacion ng Itim na Nazareno sa January 9, 2021 dahil sa pandemya
  • Handa ang Quiapo Church officials sa posibilidad na hindi payagan ang prusisyon na taun-taong ginagawa
  • Nagbabala si Mayor Isko Moreno na hindi papayagan ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang Traslacion hangga’t wala pang COVID-19 vaccine

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming dekada, ang traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno ay posibleng makansela dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa Quiapo Church officials.

Imahe mula sa Quiapo Church

Ipinahayag ni Fr. Douglas Badong, ang parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene na mas kilala bilang Quiapo Church, na ngayon pa lang ay nagsisimula nang maghanda ang procession committee para sa Traslacion na dinadaluhan ng milyun-milyong deboto taon-taon tuwing January 9.

Sa kabila ng paghahanda ay may posibilidad na makansela ang prusisyon, ayon kay Fr. Badong.

“Nag-uusap na po ang procession committee para sa mga initial proposal namin na idudulog namin sa IATF (Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases). Kung papayagan ng IATF, following all protocols, ‘yun ang gagawin namin,” anang pari.

“Pero naka-set na naman kami sa posibilidad na wala na ‘yung Luneta event at ‘yung mga usual na ginagawa natin,” dagdag pa ni Fr. Badong.

Nag-anunsyo naman si Mayor Isko Moreno na haharangin ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pagdaraos ng traslacion hangga’t wala pang bakuna para sa COVID-19.

Screenshot mula sa GMA video

Iminungkahi ni Mayor Isko na sa halip na pisikal na prusisyon ay gumamit na lang ang simbahan ng virtual technology.

“Puwede naman tayong mag-Traslacion na nakikita ang Poong Nazareno sa paggamit ng teknolohiya,” aniya.

Nilinaw ng alkalde na wala siyang intensyon na baguhin ang tradisyon ng mga deboto. Aniya, ang kaligtasan ng lahat ang mahalaga.

“Wala kaming nais baguhin sa kultura, tradisyon, kostumbre. Kaligtasan niyo ang mahalaga sa amin,”  paglilinaw ni Yorme.

Imahe mula sa Facebook account ni Isko Moreno Domagoso

Kahapon, October 2, ay dumagsa ang mga deboto sa labas ng Quiapo Church para sa First Friday Mass. Bagama’t nakasuot ng face mask at face shield, hindi naman nila sinunod ang physical distancing na tila hindi alintana ang banta ng COVID-19 sa kanilang kalusugan.

Imahe mula sa News5

Loading…