Virgin coconut oil malaki ang potential bilang antiviral vs. coronavirus, ayon sa research 

Imahe mula sa Life Over Cancer Blog
  • May potential ang VCO compound bilang panlaban kontra coronavirus
  • Ito ang ibinahagi ng DOST at ng mga eksperto na nagsagawa ng research dito
  • Nagsagawa na rin ng clinical trials para sa VCO compound at maaayos naman umano ang resulta

Makaraan ang ilang buwang pagsasaliksik ng mga eksperto, napatunayan umano na nakapupuksa ng coronavirus ang compound mula sa virgin coconut oil (VCO) ayon sa Department of Science and Technology (DOST).

Ibinahagi ni DOST Secretary Fortunato de la Peña sa isang pahayag na posible umano itong maging alternatibong gamot habang wala pang bakuna kontra sa COVID-19.

Sec. De la Peña| Screenshot mula sa You Tube

“There are still alternative solutions against COVID-19 aside from vaccines. Although further investigation is needed before we develop a possible prevention or treatment option, we aim to give Filipinos hope through our ongoing local research initiatives,” ani De la Peña.

Ang research ay isinagawa ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) sa loob ng anim na buwan at pinondohan ng DOST.

Ayon kay Dr. Jaime C. Montoya, executive director ng PCHRD, lumabas sa kanilang pag-aaral na nakapagpababa ng coronavirus count ng  60 hanggang 90 porsiyento ang compound ng VCO.

“The results are very promising, as not only does it show that the VCO, by itself, can destroy the virus, but it also has a key mechanism in upregulating the immune response against COVID-19,” bahagi ni Dr. Montoya.

Bukod dito, nakatutulong din umano ang VCO compound sa cell survival.

Imahe mula sa Dr. Seeds Blog

“Indeed, we look forward to the results of clinical trials on the various uses of VCO as an adjunct for the treatment of COVID-19,” ani Montoya.

Gayunpaman, kailangan pa ng dagdag na pananaliksik upang matiyak na ang mas mataas na concentration ng VCO compound ay lalo pang magpapababa ng replication rate ng virus.

Ayon kay Secretary De la Peña, isinagawa ang clinical trials ng VCO compound sa isang ospital sa Laguna kung saan 56 katao ang lumahok. Naging maaayos naman umano ang kalagayan ng mga participants at nakauwi na ito nang maayos at walang nararamdaman.

Inaasahang lalabas sa susunod na buwan ang unang resulta ng analysis ng VCO compound bilang antiviral agent.

Loading…