Wesley So muling nagwagi sa US chess tournament, para mag-uwi ng P2-M premyo

Screenshot mula sa FIDE
  • Muling nag-champion sa US Chess Championship 2020 si Wesley So
  • Naiuwi niya ang katumbas na premyong nagkakahalaga ng P2-milyon
  • Huli niyang nakuha nag korona sa nasabing tournament noong 2017

Makaraan ang tatlong taon, muling nabawi ni Wesley So ang kampeyonato sa US Chess Championship matapos ang draw kina Ray Robson at Hikaru Nakamura sa huling dalawang round nitong Biyernes.

Naiuwi ng dating Philippines’ No. 1 ang prize money na US$40,000 (P2-M) sa puntos na 9 /11 at walang talo. Parehong draw ang kinalabasan ng kaniyang laban kay Robson gamit ang Ruy Lopez sa loob ng 30 movess, at kay Nakamura gamit ang Nimzo-Indian Defense sa 30 moves rin.

Imahe mula sa Facebook ni Wesley So

Huling nagkampeon sa nasabing chess tournament  ang 27 anyos na si So noong 2017; tatlong taon matapos niyang lisanin ang Pilipinas para tuparin ang pangarap na maging world champion sa larangan ng chess.

“It means a lot to win here and being compared to one of the greatest chess players. To score nine of 11 is really a big deal, I wasn’t expecting it and I don’t think I could score this again,” ani So sa kaniyang panayam pagkatapos na laro na ginanap online.

Pinagharian ng Philippine-born Grandmaster at dating World No. 2 (2017) ang tournament na nagresulta sa 7 panalo at 4 na draw. Ang kaniyang limang sunod-sunod na panalo sa simula ay kinumpara sa nagawa noon ni Bobby Fischer taong 1963-64, bagama’t ang huli ay natapos nang 11/11.

Screenshot mula sa FIDE

Sinubukang habulin si So ng 20 anyos na si Jeffery Xiong subalit nag-draw lamang ang huli laban kay Alex Lendermann sa 10th round bago tinalo si Alejandro Ramirez sa final round para pumangalawa sa puntos na 8.5.

Si Xiong ay nag-train noong 2014 hanggang 2015 sa ilalim ng isang Filipino na si Julio Catalino Sadorra, ang coach ng University of Texas-Dallas.

Samantala, pumangatlo naman si Ray Robson (7.5) habang pang-siyam si  Nakamura (5).

Loading…