Yorme nagbigay ng babala sa publiko sa modus ng mga kawatan tuwing nalalapit ang Pasko

Screenshot mula sa GMA video
  • Nagbabala si Yorme sa publiko lalo na sa mga babaeng motorista na mag-isang nagmamaneho na mag-ingat sa istilo ng mga kawatan
  • Ibinahagi ng alkalde ang iba’t ibang pamamaraan ng mga kawatan para mapababa sa sasakyan ang babaeng driver na nag-iisa para masalisihan ito
  • Payo ni Mayor Isko ay maging mapagmatyag at alerto sa lahat ng oras

Pinaalalahanan ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko na maging mapagmatyag sa sari-saring mga modus operandi na ginagamit ng mga kawatan at iba pang masasamang-loob sa tuwing nalalapit na ang Pasko.

Screenshot mula sa GMA video

Isa sa mga istilo ng mga ito ay ang tinatawag na “susi-susi” na ang layunin ay mapababa ng sasakyan ang nag-iisang driver, na kalimitan ay babae, upang makuha ang mahahalagang bagay sa loob ng sasakyan.

Ipinakita ni Yorme ang footage mula sa kuha ng CCTV camera kung saan makikitang isang lalaki ang kumatok sa driver’s window ng isang pick-up at may itinuturo sa likod na bahagi ng sasakyan. Bumaba ng babaeng driver upang tingnan ang itinuturo ng lalaki.

Dalawang lalaki ang nakitang nagbukas ng pintuan sa passenger side ng pick-up at tinangay ang bag ng biktima. Ang lalaking kumatok ay mabilis ding tumalilis.

“Sa ating mga kababayang nanonood, lalo na kung kayo ay babae, nagmamaneho mag-isa, mag-iingat kayo at ‘wag masyadong naniniwala. Always think twice na bigla na lang may magmamalasakit sa inyo kuno. Hindi ‘yan random,” paalala ng alkalde.

Bukod sa “susi-susi,” pinag-iingat din ni Mayor Isko ang mga motorista sa modus na babanggain ang likod ng sasakyan ng bibiktimahing driver na nag-iisa upang mapilitan itong bumaba. Kapag bumaba ang driver ay doon na siya maaaring mapahamak.

Screenshot mula sa GMA video

May modus din na hahagisan ng itlog ang windshield ng sasakyan. Ani Mayor Isko, kapag naranasan ito ay huwag gamitin ang windshield wiper para linisin ang itlog dahil lalong lalabo ang windshield. At kapag lumabo iyon ay tiyak na mapipilitan ang driver na bumaba ng sasakyan para linisin ang windshield. Doon na aaksyon ang mga masasamang-loob.

Sa tuwing nasa kalsada at naipit sa trapiko, siguruhin na naka-lock ang mga pinto ng sasakyan dahil may mga tinatawag na “jumper boys” na biglang nagbubukas ng pinto ng sasakyan para makapagnakaw.

Tiniyak ni Mayor Isko na hindi niya tatantanan ang mga salarin kapag nangyari ang mga ganoong modus operandi sa Lungsod ng Maynila.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…