3 heneral sa PNP nagpositibo sa COVID-19

Imahe mula sa Facebook - PNP
  • Tatlong heneral umano ng PNP ang nagpositibo sa COVID-19
  • Kinumpirma ito ni PNP chief Gen. Debold Sinas nitong Lunes
  • Samantala, 23 opisyal din ng PNP ang nalipat ng puwesto dahil sa ginawang balasahan

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas nitong Lunes, Nobyembre 30, na tatlong heneral sa kanilang hanay ang diumano’y nagpositibo sa coronavirus.

Ito umano ang dahilan kung bakit hindi nakadalo sa ginanap na command conference kamakailan ang tatlong matataas na opisyal.

Imahe mula sa Facebook – PNP

Ayon kay Sinas, ito ay sina Brig. Gen. Ronnie Ylagan, ang outgoing director ng Northern Police District (NPD); Brig. Gen. Rommil Mitra, hepe ng Firearms and Explosives Office; at, Brig. Gen. Joey Runes na naka-assign sa Office of the Chief PNP.

“Nagkalabasan ‘yan noong nag-command conference kami. Kaya ‘di sila naka-attend ng conference kasi nga mga positive sila,” bahagi ng PNP chief.

Kaugnay nito, sinabi ni Sinas na nagpapatupad na sila ng “targeted group swab” para sa mga personnel sa loob ng Camp Crame upang maagang ma-detect kung sinuman ang nahawaan ng virus.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 8,103 ang bilang na kaso ng COVID sa mga tauhan ng PNP; 26 rito ay hindi na pinalad na gumaling habang 370 naman ang nananatiling aktibo.

Screenshot mula sa Facebook – PNP

Samantala, inanunsiyo rin nitong Lunes ang 23 PNP officials na nailipat ng puwesto dahil sa ipinatupad na balasahan sa kanilang hanay.

Ilan sa mga nakasama sa reorganization ay mga posisyon sa Directorial Staff, Police Regional Offices, at National Support Units.

Ayon kay Sinas, ito ay base umano sa rekomendasyon ng Senior Officers’ Placement and Promotion Board (SOPPB) dahil na rin sa mga nabakanteng puwesto ng 7 senior officials na nag-apply na ng ‘Non-Duty Status’ bago pa man ang kanilang nakatakdang pagretiro.

Loading…