60,000 poste ng kuryente nakahambalang sa mga pinalapad na kalsada sa buong bansa

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Halos 60,000 poste ng kuryente ang nakaharang pa rin sa mga natapos nang road widening projects sa iba’t ibang panig ng bansa
  • Walang saysay ang road widening kung hindi rin magagamit ang kalsada dahil sa mga posteng nakaharang
  • Sinabi ni Sen. Win Gatchalian na kakailanganin ang P3.7 billion para sa pagtatanggal ng mga poste sa gitna ng mga kalsada

Aabot sa halos 60,000 poste ng kuryente ang nakaharang sa gitna ng mga kalsadang pinalapad sa iba’t ibang panig ng bansa, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa Senate budget deliberations nitong Huwebes ng umaga, November 19, para sa proposed P659 billion budget para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Sen. Gatchalian na kakailanganin ng P3.7 billion para mai-relocate ang mga naturang poste na nakahambalang sa mga nakumpleto nang road widening projects.

Binigyang-diin ng senador na batay sa mga batas na kanyang ni-review, ang mga obstructions na ito ay dapat noon pang katapusan ng 2019 natanggal.

Sinabi naman ni Senator Sonny Angara, ang sponsor ng DPWH budget, na ang pag-aalis ng mga nakaharang na poste ay naantala dahil sa ipinatupad na quarantine protocols at sa mga sunud-sunod na kalamidad na dumaan sa bansa.

Tiniyak ni Sen. Angara na may nakalaang pondo para sa pagtatanggal ng mga poste ng kuryente para sa 2021 budget.

“As long as the electric cooperatives comply with the requirements, they (DPWH) are very confident that they could clear it by next year,” wika ni Sen. Angara.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Mga senador kinastigo ang NEA dahil sa mga posteng nakahambalang sa gitna ng kalsada

Noong nakalipas na buwan ng Oktubre, inatasan na rin ng mga senador ang National Electrification Administration na nasa ilalim ng Department of Energy na aksyunan ang isyu.

Ayon kay Senator Nancy Binay, dapat ay inaalis na muna ang mga poste bago pa simulan ang isang road widening project.

“In the proper order of things, dapat bago mag-road widening, ilipat muna nila ‘yong poste kasi isipin niyo, gawa na ‘yong kalsada, iuusog ‘yong poste, so may butas doon ngayon,” aniya.

Sinabi naman ni Sen. Gatchalian na useless lang ang road widening kung hindi matatanggal ang mga poste sa gitna ng kalsada dahil sa halip na madaanan ay ginagawa itong parking area ng ibang mga motorista.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Loading…