ABS-CBN gumawa ng artificial community para sa mga taping

  • Gumawa ng artificial community ang ABS-CBN sa loob mismo ng kanilang compound
  • Hindi na nila kailangan pang humanap ng lokasyon upang kuhanan ang ilang mahahalagang eksena sa kanilang taping at shooting
  • Buena mano rito ang teleseryeng “Bagong Umaga” na napapanood sa Kapamilya Gold tuwing hapon

Hindi man napagbigyang magkaroon ng panibagong prangkisa upang makapag-broadcast sa free radio at tv, patuloy pa ring gumagawa ng mga bago at de-kalibreng tv shows ang ABS-CBN Kapamilya Network para sa mga manonood, na ipinalalabas sa A2Z Channel 11, at mga channels nila sa cable, social media platforms, at apps.

Upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga artista, minabuti ng Kapamilya Network na magtayo ng “artificial community” upang isagawa ang ilang mga eksena sa teleserye, sa mismong parking lot nito sa loob ng compound. Sa ganitong paraan, maiiwasan na ang lock-in taping sa mga lugar na malalayo at kinakailangang magbiyahe at makihalubilo sa maraming tao. Ang trivia na ito ay makikita sa Facebook page na “Kapamilya Kingdom.”

Imahe mula sa Facebook page ng Kapamilya Kingdom

“KAPAMILYA TRIVIA: Alam n’yo ba na ang Barangay Sagrado ng Kapamilya teleseryeng Bagong Umaga ay isang buong artificial community na itinayo sa mismong compound ng ABS-CBN na dati nilang parking lot?
Kahit walang prangkisa, natural na talaga sa ABS-CBN ang pagiging creative!” ayon sa post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Pinuri nila ang makatotohanang pagsasalarawan ng isang tipikal na barangay sa Maynila.

“It shows just how much they care for their whole production team, really securing the safety first. Within premises lang so namomonitor ang bawat tao. Kudos ABS-CBN! Really the best. And yes, they really want a quality-produced serye para sa mga tao, ginagastusan ang nga props. Sana all ganyan gumawa!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Now, this is the real definition of artmanship and creativity after all those things that happened to ABS. I salute to all of you!”

“Nakabibilib talaga ang ABS-CBN Kapamilya Network. Eversince gumagawa sila ng kanilang mga own ideas to improve and to be creative in their network. Hindi galing sa iba or ginaya sa iba ang lahat ng kung anong mayroon sila. Very entertaining, very creative and very talented,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ng Kapamilya Kingdom

Ang Bagong Umaga ay isa sa mga pinakabagong teleseryeng naipalabas ng Kapamilya Network matapos ang pagpapahinto ng mga taping dahil sa community quarantine at pagpapatigil ng operasyon ng network dahil sa iysu ng prangkisa.

Kabilang sa mga cast nito sina Heaven Peralejo, Tony Labrusca, Barbie Imperial, Kiko Estrada, Michelle Vito at Yves Flores. Pinalitan nito ang “Love Thy Woman” sa Kapamilya Gold tuwing hapon.

Loading…