Actual video ng pagbagsak ng steel girder ng Skyway extension

Imahe mula sa MCDDRM
  • Ibinahagi sa social media ang actual video ng pagbagsak ng steel girder ng ginagawang Skyway extension sa Muntinlupa City
  • Nakita sa video ang pagtagilid ng isang crane na tumama sa dambuhalang steel girder
  • Kita rin sa video ang pagkakaligtas ng isang motorcycle rider na tumalon mula sa motorsiklo niyang nabagsakan ng steel girder

Ipinakita sa Facebook page ng Alabang Bulletin ang video ng aktwal na pagbagsak ng dambuhalang steel girder ng ginagawang Skyway extension sa Barangay Cupang sa Muntinlupa City noong Sabado, November 21.

Imahe mula sa MCDDRM

Nakita sa video na tumagilid ang isang crane at tumama ang boom nito sa steel girder na nagresuta sa pagbagsak niyon. Kita rin sa video ang maswerteng motorcycle rider na nakaligtas sa tiyak na kapahamakan matapos niyang tumalon mula sa kanyang motorsiklo na nabagsakan ng girder.

Kita rin ang nasapul na Mitsubishi Adventure na kasunod ng dalawang motorsiklo.

Anim na sasakyan ang tinamaan ng steel girder – tatlo roon ay motorsiklo. Isa sa mga motorcycle riders ang sinawimpalad na hindi nakaligtas. Ikinuwento naman ng dalawang nakaligtas ang kanilang karanasan.

“Kung hindi ako tumalon, baka siguro’ yung katawan ko nandun pa, naipit pa ng bakal. Hindi ko na inisip ‘yung sasakyan ko, basta ang mahalaga buhay,” sabi ni Juanito Dimailig; isang delivery rider.

“Hindi ko alam kung mabuhay pa ako no’n. Pinikit ko na lang yung mata ko. Nanginginig lang ako noong pagkatapos. Nagpasalamat lang ako sa Diyos,” sambit naman ni Reden Resus.

Screenshot mula sa Alabang Bulletin video

Kinilala ng Muntinlupa City Police ang rider na nasawi bilang si Edison Visaga Paquibot, na nakasakay sa kanyang Yamaha Mio Soul motorcycle nang mabagsakan ng steel girder.

Ang crane operator naman ay kinilalang si Enrico Gregorio.

Pinagpapaliwanag naman ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang Skyway management at hiningan ng konkretong aksyon para maiwasang maulit ang pangyayari para masiguro ang kaligtasan ng publiko

Narito ang video ng insidente na ibinahagi ng Alabang Bulletin:

Loading…