Alaala ng Nakaraan: Isa ka rin ba sa mga umasa sa premyong hatid ng mga tansan?

  • Umasa ka rin ba sa mga premyong nasa likod ng mga tansan
  • Iyan ang binalikan ng mga netizens
  • Isa sa mga hindi malilimutang kontrobersiya hinggil dito ang “349 incident”

Kaakibat ng mahusay na marketing strategy ng mga negosyo ang pagkakaroon ng iba’t ibang unique na paraan upang patuloy na suportahan o tangkilikin ang isang produkto. Isa na riyan ang iba’t ibang mga pakulo, gaya na lamang kapag bumili ng mga bottled products at tinanggal ang tansan nito—huwag itapon dahil baka may natatagong papremyo!

Iyan ang alaala ng nakaraang binalikan ng netizen na si “Thor Reyes” na makikita sa Facebook page na “Memories of Old Manila.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

“Anong mga prizes ba ang ‘surprise’ ninyong nakukuha sa ilalim ng tansan ng mga softdrinks na iniinom ninyo noon? Usong-uso pa kasi noong araw ang mga ‘promo’ na mga pa-premyo sa ilalim ng tansan. Ako nga eh, isang milyon na sana… naging bato pa,” ayon sa kaniyang caption.

Kalakip nito ang larawan ng isang tansan o bottle cap na may nakalimbag sa ilalim nito na “349 plays for 1 Million pesos.” Tumutukoy ito sa naging “insidente” sa papremyo ng isang sikat na brand ng softdrinks, na naganap noong 1992.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“I remember that day na dumagsa ang mga taong nakakuha ng tansan na may 349. They will never forget that day for sure. Iyon talaga ang paasa mode,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Hay naku totoo iyan… Daming naghintay riyan,  ano na kaya ang nangyari sa mga nanalo ngunit nganga sila.”

“Yang 349.. Nakakuha din ako dyan kada tansan 500 ang palit nila don sa kompanya nila sa SAN JUAN… ilang tansan din yung naipalit ko diyan… yung may code na star pinalitan nila ng 500 pesos.”

Public Domain Image

Noong 1992, naging kontrobersiyal ang sikat na brand ng soft drinks dahil sa kanilang promo na papremyong 1 milyong piso para sa customer na makakakuha ng kombinasyong 349 sa tansan ng kanilang produkto. Kaya lamang, nagkaroon ng pagkakamali dahil nakapag-imprenta ng 349 sa halos 800,000 tansan, kaya dumagsa ang mga taong nakakuha ng 349 na numero upang kunin ang kanilang premyo.

Bilang pampalubag-loob, nagbigay na lamang ang naturang kompanya ng 500 piso para sa mga taong nakakuha ng tansan na may 349 subalit walang barcode.

Mahuhulaan mo ba kung anong softdrinks ito?

Loading…