Alaala ng Panlasa: Paborito mo rin ba ang tamis at lasa ng “tira-tira?”

  • Nagdulot ng matamis na alaala ang isang meme
  • Nagpapakita ito ng masarap na kending “tira-tira” kung tawagin ng karamihan
  • Tinatawag itong “balicucha” sa ibang lalawigan

Kung tutuusin, simple lamang naman ang panlasang Pinoy. Kahit ang mga simpleng pagkain ay kaya nating mapahalagahan at nagiging bahagi ng ating nakaraan, dahil madalas, ito ay ating tinatangkilik o kinakain sa panahon ng ating kamusmusan. Isa na rito ang pagkain ng “tira-tira.”

Iyan ang pinag-usapan ng mga netizens sa Facebook page na “Memories of Old Manila” kung saan makikita ang isang meme na ibinahagi ni “Noel-Winnie Lopez” hinggil sa “tira-tira” (binibigkas nang mabagal at hindi mabilis, na maaaring pakahulugan bilang “left over”).

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

“Tira-tira… tamis at lasa na naging bahagi ng kabataan mo,” saad na caption sa mismong meme.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens. Marami ang nagbahagi ng kanilang karanasan at kaalaman hinggil dito, lalo na ang mga “batang 60’s.”

“Balikutsa ang tawag niyan sa amin. I was in Cartilla (kinder) in 1955, in front of our school is a maker of that candy and the cost was 2 pieces for 1 centavo,” saad ng isa.

Sabi naman ng isa, “Kami noong 60’s ay bonding namin na magkakalaro ‘yan maski na alam namin na napakakunat niyan. Kung hindi mo natikman ‘yan noong dekada 60,  sayang ang kabataan mo, wala kang ikukuwento sa mga bata kung ano ang lasa at saya ng pagkain na ‘yan na napakamura ng halaga.”

“Noon, ipinapailalim namin iyan sa sinaing na kanin para lumambot, kasi medyo makunat iyan. Medyo masakit sa ngipin pero masarap,” saad naman ng isa.

Kuwento naman ng isa, “Hindi kompleto ang kabataan ng mga namuhay noong dekada 60’s kung hindi nakatikim ng tira-tira. Napakamura pa ng mga bilihin noon. Yung 25 centavos ay marami na mabibili; ngayon kahit daan-daanan na lang, walang pakialam ang tao sa halaga na iyan.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ang tira-tira, o kilala rin sa ibang lalawigan sa katawagang “balicucha,” ay hinulmang muscovado candies o kaya naman ay sugar cane juice na masarap ipareha sa mainit na kape, dahil sa tamis na dulot nito. Sa Iloilo, tinatawag naman itong “botong-botong.”

Loading…