Albay governor itinangging ang quarrying sa probinsiya ang sanhi ng landslides, baha

Imahe mula Facebook - Gov. Bichara
  • Itinanggi ni Albay Gov. Bichara na ang quarrying sa Mayon ang sanhi ng pagbaha sa lugar
  • Hindi umano galing sa mga quarry ang malalaking bato kung hindi sa itaas mismo ng bulkan
  • Hindi rin daw puwedeng ikumpara ang Mayon sa Pinatubo dahil mas mababa ang huli

Iginiit ni Albay Governor Al Francis Bichara na hindi ang quarrying sa palibot ng Mayon Volcano ang isa sa sanhi ng malawakang pagbaha sa probinsiya nitong nagdaang bagyong Rolly.

Sa ginanap na Laging Handa briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Bichara na walang katotohanan ang mga akusasyon na ang quarrying ang dahilan kung bakit ganun na lamang katindi ang pag-agos ng lahar mula sa paanan ng bulkan sa kasagsagan ng pananalasa ni Rolly.

Gov. Bichara| Imahe mula sa Facebook-Gov. Bichara

“Hindi totoo iyan eh, kasi… dumadaan muna iyan sa DENR para kumuha ng environmental certificate… So, I think alam mo, kailangan i-dredge iyong mga ilog. Kapag hindi natin nai-dredge iyon mas malaki ang problema, mas malaki ang damage, malulunod iyong mga villages,” paliwanag ng gobernador.

Ayon pa sa opisyal, hindi naman daw galing sa quarry ang mga umagos na malalaking bato kung hindi sa itaas mismo ng Mayon.

“Iyan tingnan mo, hindi galing iyan sa quarry. Tingnan mo iyang mga bato, wala namang nagku-quarry ng bato diyan, galing iyan sa taas,” giit ni Bichara.

Hindi rin daw puwedeng ikumpara ang sitwasyon ng Pinatubo sa Mayon sapagkat mas mababa ang una kumpara sa bulkan sa Bikol.

Imahe mula sa Facebook- Gov. Bichara

“Ang sa Mayon Volcano eh, kapag umuulan bumababa pati mga malalaking bato. Ito, galing iyan lahat sa Mayon, hindi galing sa quarry, kakaunti lang ang quarry eh,” ayon pa sa gobernador.

Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Environment Secretary Roy Cimatu na imbestigahan ang quarrying sa bayan ng Guinobatan na isa sa nagtamo ng malaking pinsala mula sa pagbaha ng lahar sa lugar.

Ayon kay Cimatu, ipinag-utos na rin niya umano na suspendehin ang lahat ng quarrying operations doon habang iniimbestigahan pa ito.

Subalit giit ni Bichara, isang linggo na simula nang magpadala ang gobyerno ng task force para mag-imbestiga ay wala pa silang natatanggap na ulat para sana ay iyon ang kanilang susundin anuman ang kinalabasan nito.

Loading…