Ang dating nagtitinda ng mani sa Cebu na naging isa sa pinakamayaman sa Pilipinas

Imahe mula sa Gokongwei family
  • Isang binatilyo sa Cebu ang nagsimula sa pagtitinda ng mani at naging isa sa pinakamayaman sa bansa
  • Nagtungo siya sa Maynila nang mabalitaan na malakas doon ang pagnenegosyo
  • Sa pagsusumikap at sa tulong ng mga kapatid ay naitatag niya ang unang kumpanyang Universal Corn Products na kilala natin ngayon bilang Universal Robina Corporation

Trese anyos siya nang mapilitang magbanat ng kanyang mga buto upang tulungan ang ina na maitaguyod ang kanilang pamilya. Pumanaw na kasi noon ang kanyang ama.

Imahe mula sa Gokongwei fmily

Marangya naman ang kinamulatan niyang pamumuhay dahil ang amang negosyante ay may-ari ng mga sinehan sa Cebu. Maganda ang kanilang bahay na may malaking hardin. Nabago ang lahat nang igupo ng tipus ang ama, na marami palang pinagkakautangan.

Walang sapat na salapi ang mga naulila upang mabayaran ang mga utang kaya’t kinuha sa kanila ang mga sinehan pati na ang magarang bahay.

Bilang panganay na anak, kailangan niyang magpakatatag upang tulungan ang ina na nagbenta ng mga alahas upang magkaroon sila ng puhunan. Ang lima niyang kapatid ay ipinadala sa China sa pangangalaga ng mga kaanak doon na mas may kakayahan silang pag-aralin.

Nagsimula siyang magtinda ng mani. At kahit dumating ang WWII ay hindi siya tumigil. Sa katunayan ay dinagdagan pa niya ang mga paninda. Maaga siyang gumigising araw-araw gamit ang bisikleta patungo sa palengke kung saan naglalatag siya ng lamesa para sa panindang sinulid, sabon at kandila.

Nagtungo siya sa Maynila nang mabalitaang malakas ang pagnenegosyo doon. Sakay ng batel o bangkang pampasahero, nagparoo’t parito siya sa Maynila at Cebu dala ang mga kalakal.

Imahe mula sa Gokongwei family

Unti-unti ay lumalaki ang kanyang negosyo kaya minabuti ng mga kapatid na umuwi na mula sa China. Nagtulung-tulong sila sa pagpapalago ng kabuhayan hanggang sa maitayo ang unang kumpanya na gumagawa ng cornstarch.

Universal Corn Products ang pangalan ng kumpanyang itinatag na kilala natin ngayon bilang Universal Robina Corporation.

Ang batang nagsimula sa pagtitinda ng mani na nagsumikap hanggang maging isa sa pinakamayaman sa bansa ay walang iba kundi si John Gokongwei, Jr. Ngayong November 9 ang unang anibersaryo ng kanyang pagkawala.

Imahe mula sa SugboPH
Source :

MSN, Spot

Loading…