Angel Locsin hinarap si Lt. Gen. Parlade para pag-usapan ang isyu ng red tagging

Imahe mula sa Facebook account ni Angel Locsin
  • Angel Locsin at Lt. Gen. Parlade nagkaharap na
  • Pinag-usapan ng dalawa ang isyu hinggil sa red tagging
  • Sinabi ng abogadong si Atty. Joji Alonso na nagkalinawan na ang magkabilang panig

Nagharap ang aktres na si Angel Locsin at si Lieutenant General Antonio Parlade, Jr. noong Sabado, November 14, upang magkalinawan hinggil sa isyu ng red tagging. Kasama ng aktres ang movie producer niyang fiancé na si Neil Arce at abogadong si Atty. Joji Alonso.

Imahe mula kay Atty. Joji Alonso

Ibinahagi ni Atty. Joji Alonso sa kanyang social media accounts ang dalawang larawan ng pag-uusap nina Angel at Lt. Gen. Parlade at ibinuod sa inilagay na caption ang highlights ng paghaharap ng dalawa.

Sinabi ng abogado na sa nasabing pagkikita ay napag-usapan at nagkalinawan tungkol sa mga isyu na ibinato nitong mga nagdaang linggo sa aktres at sa kapatid niyang si Ella Colmenares, na pinaratangan ng military official na may kaugnayan sa New People’s Army (NPA).

Sa kanilang meeting, mariin umanong tinuligsa ni Angel ang karahasan at anumang anyo ng terorismo at suportado ang pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan na mapanatili ang kaligtasan at proteksyon ng mga mamamayan.

Ipinahayag naman ni Lt. Gen. Parlade na pinahahalagahan niya ang kontribusyon ni Angel Locsin sa Armed Forces of the Philippines at sa adbokasiya nito na tumulong sa mga mahihirap.

Nagsimula ang isyu ng red tagging nang inakusahan ng isang netizen ang aktres na si Liza Soberano na may kaugnayan sa grupong komunista nang makilahok siya sa webinar ng Gabriela Youth, ang youth arm ng women’s rights group na Gabriela.

Imahe mula kay Atty. Joji Alonso

Sinabi noon ni Lt. Gen. Parlade na hindi tama na i-red tag ang aktres. Kasunod ng pagtatanggol niya kay Liza ay nagbigay siya ng babala rito na layuan ang Gabriela na aniya ay isang front ng Communist Party of the Philippines.

Ani Parlade, kung hindi makikinig si Liza ay posibleng matulad siya kay Josephine Anne Lapira.

Si Lapira ay isang 22-year-old UP Manila student na nasawi sa isang ebgkwentro sa pagitan ng militar at NPA noong 2017. Siya ay dati umanong deputy secretary general ng Gabriela Youth.

Naging kontrobersyal ang pahayag ni Lt. Gen. Parlade nang mabanggit niya ang mga pangalan nina Miss Universe Catriona Gray, Angel Locsin, Ella Colmenares, at Neri Colmenares.

 

Imahe mula sa Facebook account ni Liza Soberano

“The choice is yours Liza. And so with you Catriona. Don’t follow the path Ka Ella Colmenares took in the underground and NPA Quezon. I am sure Angel Locsin and Neri Colmenares will not tell you this,” ang mensahe noon ng military official para kay Liza.

Dahil sa pahayag ay inakusahan ng mga celebrities at ibang mga personalidad si Parlade ng red tagging, ngunit mariin niyang itinaggi ito.

Aniya, “Wala akong ni-red-tag.”

 

Loading…