Angeline Quinto binigyang-pugay ang adoptive mother na si “Mama Bob”

  • Nasa piling na ng Dakilang Lumikha si Mama Bob
  • Siya ang kumupkop kay Angeline Quinto
  • Labis-labis ang pasasalamat ng mang-aawit sa kaniya

Binigyang-pugay ng “Queen of Teleserye Theme Songs” ng Kapamilya Network na si Angeline Quinto ang kinikilalang ina at kumupkop sa kaniyang si “Mama Bob” matapos itong sumuko sa pakikipaglaban sa stroke at tuluyan nang namaalam nitong Sabado, Nobyembre 7, 2020.

Makikita sa Facebook at Instagram posts ni Angeline ang kaniyang panimdim at pagpupugay para sa kaniyang Mama Bob, na nagmahal sa kaniya nang walang kapantay, at sumuporta sa kaniya bilang isang mahusay na mang-aawit. Noong Setyembre 9, 2020, itinakbo sa pagamutan si Mama Bob dahil na-stroke ito.

Imahe mula sa Facebook at Instagram accounts ni Angeline Quinto

“Mag-iingat ka sa paglalakbay Mama. Hindi man kita maalalayan sa paglalakad ngayon patungo sa paraiso, masaya ako nandyan ang Panginoon para umalalay sa ‘yo. Hinding-hindi ako mapapagod sa pagpapasamalat sa ‘yo Ma, dahil sa pagkakataong ibinigay mo sa akin para maging anak mo,” ayon sa posts ni Angeline.

Dagdag pa niya, “Hanggang sa muli nating pagkikita, MAHAL NA MAHAL KONG MAMA BOB.”

Marami naman sa mga kasamahan sa showbiz ang nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pamilya ng mahusay na mang-aawit, na unang nakilala bilang grand winner ng reality singing show na “Star Power” noong 2010.

Bago pa man mangyari ito, nanawagan si Angeline sa publiko upang sabayan siya sa pananalangin para sa paggaling ni Mama Bob.

Aniya, ito na raw ang pinakamalaking pagsubok na kaniyang pinagdaanan.

“Ito ang pinakamatinding pagsubok sa buhay ko. Hindi Mo ako kahit kailan binigyan ng pagsubok na hindi ko kaya. Ama, buong-buo ang tiwala at pananalig ko sa ‘Yo. ‘Wag Mong pabayaan ang taong pinakamahal ko Ama,” sabi pa niya noon.

Public Domain Image

Marami din sa mga netizens at tagahanga ng mang-aawit ang nagpaabot ng kanilang pakikiramay.

“There are many purposes that God made for us. Her missions in life have been done and you are one of them, all of her power to do things best for you to what you’ve become. The physical is gone but the memories  still remain, the good thoughts and the love she gave,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Grabe ang sakit para kay Angeline kasi nakikita ko sa vlog niya na Mama na lang niya ang nagpapasaya sa kanya kaso pati ‘yon wala na. Deepest condolences po.”

Pakikiramay kay Angeline Quinto at sa kaniyang pamilya. Rest in peace, Mama Bob.

Loading…