Ano-ano nga ba ang senyales na may 13th month pay na?

  • May anim na senyales kung may 13th month pay na ang isang empleyado o manggagawa
  • Iyan ang pinagkatuwaan ng mga netizens
  • Ang year-end bonus na ito ay itinatakda ng DOLE

Isa sa mga pinakaaabangan ng mga empleyado tuwing sasapit na ang Christmas season ang 13th month pay. Ito kasi ay nagsisilbing bonus na karapatang matanggap ng mga manggagawa mula sa kanilang mga amo o employer, alinsunod sa Labor Code.

Kaya naman, kinatuwaan ng mga netizens ang Facebook post sa page na “Buhay Teacher” kung saan ibinahagi ang “Anim na Senyales” na dumating na ang 13th month pay ng isang empleyado o manggagawa, partikular sa mga babae. Ito ay batay lamang sa obserbasyon at ang layunin ay magpangiti lamang. Katuwaan lamang!

Public Domain Image

Una, may bagong rebond. Mapapansin na lamang daw na parang may “stiff neck” si Officemate habang naglalakad. Pagpasok niya sa office, malalanghap ang amoy ng gamot sa buhok niya. Good for one week daw ito. Nakatayo rin daw siya kung matulog upang hindi magulo ang buhok niya.

Pangalawa, may instant traveler. Sa isang iglap lamang daw ay naging instant traveler na ang Officemate mo. With matching na hashtags #NatureLover at #ATM pa sa kaniyang mga social media updates.

Pangatlo, galante si Mayora! Matapos raw ang “48 years” ay nagpameryenda ang Officemate mo, iyon nga lang, may option nga lamang para mas matipid.

Pang-apat, tiyak na may “bucket meal” para sa pamilya! Matapos maka-withdraw ay dadaan sa paboritong fast food chain upang mag-uwi ng pasalubong para sa buong pamilya, kaya mapapa-sana all ka na lang talaga!

Panlima, may bagong “dyowa!” Magugulat na lamang ang lahat dahil makikita ang Officemate na may ka-holding hands, kahit na ang totoo niyan, wala naman talaga siyang karelasyon. Instant pala?

Pang-anim at panghuli, puno ang malls! It’s a small world talaga. Pagdating umano ng year-end bonus, sa mall ang punta.

Public Domain Image

Matatandaang naging usapin kung magkakaroon pa ba ng 13th month pay ang mga empleyado ngayong 2020. Ngunit noong Oktubre, ipinag-utos ng Department of Labor and Employment o DOLE ang pagbibigay pa rin nito sa mga empleyado, maliban na lamang kung talagang bangkarote na ang kompanya.

Ikaw, ano ang gagawin mo sa 13th month pay mo? May idaragdag ka ba sa mga senyales na ito?

Loading…