Ano nga ba ang ibig sabihin kapag Signal Number 5 na ang bagyo?

  • Nagulat ang mga tao sa itinaas na Signal Number 5 na dulot ng super typhoon Rolly
  • Sanay ang lahat na hanggang Signal Number 4 lamang ang pinakamataas
  • Ipinaliwanag naman ito ng PAGASA

Sanay na sanay na ang Pilipinas na maranasan ang pinakamahihina at pinakamalalakas na bagyo sa kasaysayan, dahil na rin sa heograpikal na lokasyon nito, na talaga namang daanan ng bagyo. Sanay rin tayong hanggang Signal Number 4 lamang ang pinakamalakas na kinakailangan talaga ng ibayong pag-iingat.

Subalit sa pananalasa ng bagyong Rolly (na may international name na “Goni”) sa bansa, itinaas ang Cyclone Signal Number 5 sa ilang mga lalawigan sa bandang Bicol Region at Visayas. Matatandaang bago dumating si Rolly ay nanalasa muna si bagyong Quinta.

Public Domain Image

Ano nga ba ang ibig sabihin kapag Signal Number 5 na?

Kapag Signal Number 5 na ang itinaas sa isang lugar, ito ay mas malakas pa sa 220 kilometers per hour na inaasahan sa loob ng 12 oras, na may wave heights na hihigit sa 14 metro, at may dalang daluyong o storm surges sa mga coastal areas o malapit sa tabing-dagat.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang naturang warning signal ay maaaring magdulot ng malawakang pagkasira ng maraming mga estruktura, pagkatumba ng napakaraming mga poste, puno, at pagkawala ng suplay ng kuryente.

Maaari ding maranasan ang pagkawasak ng mga bubong ng mga bahay at gusali, pagkasira ng mga pinto at bintana, at pagkatumba ng mga ginagawang imprastraktura. Asahan din ang tuluyang pagkawasak ng mga billboards, plantasyon ng mga puno ng saging o sagingan. Kailangan na ring ilikas ang mga pamilyang malapit sa mga dagat.

Ang huling bagyong nagkaroon ng warning signal na umabot sa number 5 ay ang Super Typhoon Lawin na may international name: Haima, na nanalasa at nagpadapa sa Luzon noong 2016.

Public Domain Image

Lubos nitong nasalanta ang Cagayan, Isabela, Kalinga, Apayao, Northern Abra at Ilocos Norte noong mga panahong iyon.

Hindi pa man nakaaalis si Rolly, inaabangan na ang pananalasa ni “Siony” dahil nakapasok na ito sa Philippine Area of Responsility o PAR nitong Nobyembre 1, 2020 ng hapon.

Panalangin natin ang kaligtasan ng ating mga kababayang lubos na naapektuhan ng bagyong ito.

Loading…