Babae sa Tuguegarao, Cagayan nagsilang ng sanggol habang inililikas sa baha

  • Isang malusog na sanggol ang isinilang ng isang babae sa Tuguegarao City, Cagayan
  • Sa kalagitnaan ito ng pagliligtas sa mga residente dahil sa patuloy na pagtaas ng baha
  • Maayos naman ang kalagayan ng mag-ina

Isang babae ang nagsilang ng isang malusog na sanggol sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Cagayan noong Biyernes, habang nililikas sila dahil sa pagtaas ng antas ng tubig-baha sa naturang lalawigan.

Makikita sa opisyal na Facebook page ng Philippine Information Agency o PIA ng Rehiyon 2 ang naturang ulat.

Imahe mula sa Facebook page ng PIA Region 2

“A healthy baby was born today in the midst of rising water at barangay Bagay in Tuguegarao City. The woman was assisted and rescued by Tuguegarao City Police Station led by Lieutenant Ana Marie P. Anog together with BISOC, under the supervision of PLTCOL Jhonalyn Tecbobolan, COP,” ayon sa kanilang post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Salute to all of you there, Ma’am. Sana ligtas yung mag-ina,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Praise God, nawa’y patuloy po ninyong ingatan ang lahat ng mga rescuers at residente ng lugar na ito. Salute to all you mga Sir/Ma’am.”

“Saludo po kami sa inyo mga Ma’am and Sir… pagpalain pa po kayo ni Lord,” turan naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Sana ay okay ang lahat lalo na ang baby. SALUTE TO YOU MA’AM.”

Batay sa ulat, ligtas ang naturang ina at ang kaniyang isinilang na sanggol kaya wala nang dapat pang ipag-alala ang mga tao.

Imahe mula sa Facebook page ng PIA Region 2

Ang Rehiyon 2 o Lambak ng Cagayan ay labis na naapektuhan ng paghagupit ni Ulysses noong Biyernes hanggang Sabado. Isa sa mga itinuturong dahilan ang patuloy na ilegal na mga gawain doon gaya ng pagmimina, pagkakaingin at pagtotroso; dahilan upang makalbo ang mga kabundukan. Kilala pa naman doon ang “Sierra Madre” na nagiging pangharang sa mga sama ng panahon; subalit patuloy na nakakalbo dahil sa mga nabanggit na gawain.

Isa pa rito ang pagpapaagos ng tubig mula sa “Magat Dam” na inirereklamo rin ng mga residente.

Loading…