
- Iniatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga ng alternative government center sa labas ng Metro Manila
- Ito ay dahil umano sa pagiging prone ng NCR sa mga
kalamidad tulad ng bahaat lindol - Sa New Clark City itatayo ang panukalang National Government Agency Center o NGAC
Dahil sa pangamba ng pagiging prone ng Metro Manila sa mga kalamidad, iniatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang alternate government center na siyang magiging sentro ng pamahalaan sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 119, inatasan ng Palasyo ang mga ahensiya ng gobyerno na magtayo ng kani-kanilang satellite office sa New Clark City sa Tarlac na tatawaging National Government Agency Center (NGAC).

Ito ay dahil umano sa patuloy na paglubog ng lupa, pagtaas ng tubig-dagat, panganib na dala ng baha at ng ‘catasthropic earthquake na posibleng siyang sanhi ng paggalaw ng East and West Valley Faults’ sa National Capital Region (NCR) kung saan matatagpuan ang sentro ng gobyerno sa kasalukuyan.
Ang NGAC ay magsisilbing “back-up administrative hub” at maaaring magsilbi bilang disaster recovery center upang matiyak ang patuloy na pagdaloy ng serbisyo publiko ng pamahalaan sa oras ng kalamidad o krisis.
Bukod sa mga ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng executive department, hinihikayat din ng Pangulo na magtayo ng kanilang opisina sa NGAC ang mga sangay ng lehislatura, panghukuman, government-owned or-controlled corporations (GOCCs), at mga independent constitutional bodies.

“The establishment of a back-up government center outside the NCR supports the policy of addressing longstanding issues on the lack of sustainable employment opportunities in the countryside, unbalanced regional development, and unequal distribution of wealth,” ayon pa sa EO.
Ang pondo na gagamitin para sa pagtatayo ng nasabing proyekto ay magmumula sa opisina ng mga nabanggit na ahensiya at sangay ng pamahalaan, at iba pang maaaring mapagkunan na tutukuyin ng Department of Budget and Management (DBM).
Kaugnay nito, inatasan din ng Pangulo ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na makipag-ugnayan sa mga ahensiyang nabanggit para sa paglalaan ng lugar na pagtatayuan ng kani-kanilang opisina.