Bagong PNP chief Debold Sinas gusto nang ‘matuldukan’ ang mañanita issue

Police Gen. Debold Sinas| Imahe mula sa PNP Facebook
  • Nais nang matuldukan ni PNP chief Sinas ang isyu ng mañanita noong Mayo
  • Ilang buwan na umano simula nang mangyari ito at ang reklamo laban sa kaniya ay nasa piskalya na
  • Nakiusap rin ang bagong PNP chief na bigyan siya ng pagkakataong mapatunayan na qualified siya sa posisyon

Isang araw matapos pormal na maupo bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), umaasa si Police General Debold Sinas na hindi na muling uungkatin laban sa kaniya ang mañanita issue noong nakaraang Mayo.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Sinas na anim na buwan na ang nakararaan simula nang mangyari ang kontrobersiyal na selebrasyon ng kaniyang kaarawan at ang reklamong kinakaharap niya tungkol dito ay nasa prosecutor’s office na at iniimbestigahan.

Mañanita ni Gen. Sinas| Imahe mula sa Coconuts

“Sa ngayon dapat tuldukan na natin ang mañanita. Naimbestigahan na ‘yan, nasa prosecutor na po. Nasa kanila na po,” ayon sa opisyal na pumalit kay General Camilo Cascolan.

“Six months na po at marami akong gagawin as chief PNP at sana kung magko-cover kayo sa akin, nakita ninyo naman ano talaga ginagawa namin,” patuloy pa nito.

Hindi niya rin umano masasagot ang lahat ng kritisismo laban sa kaniya at tanggap niya naman na bahagi ito ng kaniyang trabaho.

“Sinabi ko na that’s part of the job, hindi po natin maiwasan ‘yun. Sinusundan ninyo naman ako since nag-Region VII ako hanggang ngayon, part na po ‘yan. Sabi ko nga sa inyo, ‘di ko naman pakialaman trabaho ninyo. Ako lang, pinapakita ko lang ‘yung mga gawaing tama at accomplishment namin,” paliwanag ni Sinas.

Sinas at outgoing PNP chief Cascolan| Imahe mula sa PNP Facebook

Tanggap na rin daw ng dating NCRPO chief ang mga batikos at tungkol sa isyu ng mañanita at wala na siyang magagawa kung iyon ang paniniwala ng iba. Mauubos lang umano ang oras niya kapag sinagot niya ang lahat ng mga ito.

Nakiusap rin si Sinas sa publiko na bigyan siya ng pagkakataong mapatunayan na qualified siya sa posisyon na ibinigay ng Palasyo sa kaniya upang pamunuan ang mahigit 200,000 kapulisan sa bansa.

Loading…