Barrier sa NLEX tollgate bigla na lang bumababa, ilang sasakyan tinamaan

Screenshot mula sa video ni Dominic Tiglao
  • Isang toll barrier sa NLEX nagkaroon ng aberya, biglang bumababa kahit hindi pa nakakatawid ang mga sasakyan
  • Ilang sasakyan na ang tinaman ng partikular na barrier
  • Aminado ang NLEX management na nagkaroon ng software glitch na nakaapekto sa control gate

Ilang mga sasakyan ang nadale ng depektibong toll barrier sa isang tollgate ng North Luzon Expressway (NLEX) na bigla na lang bumababa kahit hindi pa nakakatawid ang sasakyan. Ibinahagi sa social media ng isang nadale na si Dominic Tiglao ang kuha ng dashboard camera sa insidente.

Screenshot mula sa video ni Dominic Tiglao

Naganap umano ang pangyayari noong nakaraang buwan, October 17, sa toll exit sa Angeles Pampanga.

Sa kuha ng dashcam, makikitang walang naging aberya sa barrier sa naunang sasakyan, pero nang siya na ang dadaan ay hindi agad bumukas ang barrier. Aniya, gusto niya sanang umatras pero biglang tumaas na ang harang kaya itinuloy na niya ang pagtawid sa toll gate.

Hindi pa siya nakalalampas ay biglang bumaba ang barrier. Nakapagpreno naman agad si Dominic, subalit nasapul pa rin ang bubong ng kotse niya malapit sa windshield. Nagkaroon ng dent at gasgas ang sasakyan niya dahil sa nangyari.

“Bigla siyang nag-close, ‘di pa ko nagko-cross. Buti na lang nakapagpreno ako nang maayos pero kumalabog po siya so may mga small dents ‘yung kotse ko at saka merong visible scratch na nando’n,” aniya.

Ipina-blotter niya raw sa toll guard ang nangyari at nakita niya sa log book nito na hindi lang pala siya ang nabiktima ng defective toll barrier. Aniya, pampito siya sa listahan.

Screenshot mula sa video ng GMA

Aminado naman ang NLEX management na nagkaroon ng aberya ang partikular na toll barrier. Software glitch daw ang nangyari, pero naayos na raw, ayon kay NLEX SVP for Communication and Stakeholder Management na si Atty. Romulo Quimbo.

“On that particular day or maybe one or two days, if I’m not mistaken, na ‘yung software glitch na ‘yun was going on. That involved affecting the traffic control gate. Unfortunately may mga ilang customers tayong tinamaan e. But since then, we have already upgraded the software. We have corrected it. Wala naman kaming nakitang problem since then,” ani Atty. Quimbo.

Screenshot mula sa video ng GMA

Sinabi pa ni Quimbo na sasagutin naman ng NLEX kung may pinsala sa mga sasakyang tinamaan.

 

Loading…