Batang napa-‘sana all’ sa mataas na marka ni ‘Daniel’, patok ang kakyutan online

Image by Jessica May Roxas Zabat via Facebook
  • Batang napa-‘sana all’ sa mataas na marka ng isang karakter sa kuwento sa module, trending
  • Depensa pa ni Yanna sa sarili: “Bakit eh mataas ‘yung kaniyang marka. Sana all”
  • Marami rin ang nakapansin sa kahusayan sa pagbabasa ng Grade 2 pupil

Patok sa social media ang naging reaksyon ng isang bata kamakailan makaraang mabasa sa kuwento sa module na mataas ang marka ng isang mag-aaral na nagngangalang Daniel. Nag-trending ang video na nakalikom na ng higit 66,000 reaksyon habang ipino-post ito.

Image by Jessica May Roxas Zabat via Facebook

Sa bidyong ibinahagi ni Jessica May Roxas Zabat ay makikita ang Grade 2 pupil na si Yanna Lopez habang nag-aaral ng module sa kanilang tahanan yamang blended learning ang ipinapatupad ng DepEd ngayong may pandemya.

Mapapansin ang kahusayan ng bata sa pagbabasa kahit sa murang edad pa lamang nito at marami ang na-amaze. Pero, mas lalong agaw-atensyon ang reaksyon nito sa kuwentong binabasa.

“Huwarang mag-aaral, si Daniel ay tinaguriang isang huwarang mag-aaral masigasig sa pag-aaral dahil palaging mataas ang kanyang mga marka,” ang binasa ng mag-aaral mula sa module.

Makaraan nito ay kagyat siyang nag-react ng “Uy, uy, sana all” na talaga namang napakakyut. Dinepensahan pa ang sarili sa naging reaksyon kalaunan, “Bakit eh mataas ‘yung kaniyang marka. Sana all.”

Napatawa na lamang ang nanay habang pinapanood ang reaksyon ng anak habang nag-aaral. Caption ng magulang sa post, “Bwiset kang bata ka! Huwarang mag-aaral. Sana all pa nga.”

Komento ng isa sa trending video, “Tuwang-tuwa siya eh, hahaha. Sana all.” Sabi ng isa pa, “Ang galing bumigkas ang baby girl. Sana all.”

Image by Jessica May Roxas Zabat via Facebook

Ani naman ng isa, “Ang galing magbasa. Keep it up baby girl.” Iba pang komento, “Kaya nga eh hahaha. Sana all talaga kay Daniel hahaha.”

Ipagpatuloy mo lamang ang pagsisikap, Yanna, pasasaan ba at makakakuha ka rin ng mataas na marka kagaya ni Daniel. So cute mo talaga. Soon, kami naman ang mapapa-‘sana all’ sa iyo.

Panoorin ang video sa ibaba:

Loading…